Sa Bayang Filipinas, 31 Agosto 1899
Emilio F. Aguinaldo
Sa Bayang Filipinas, 31 Agosto 1899. Tarlac, 31 August 1899.
Folder No. 678, Document No. 2, Roll No. 38 of the Philippine Revolutionary Records
BUOD: Sa kanyang mensahe sa sambayanang Pilipino, nananawagan si Pangulong Emilio Aguinaldo sa mga sibilyan na magsibalik na sa kani-kanilang tahanan at sinisiguro niya na walang tigil na isinusulong ng Hukbong Rebolusyunaryo ang pambansang pakikibaka laban sa mga mapanlinlang na Amerikano. Handang ialay ng mga rebolusyunaryong Pilipino ang kanilang buhay upang masiguro na ang mga susunod na henerasyon ng mga Pilipino ay mabubuhay sa isang malaya, mapayapa, at maunlad na Pilipinas. Ipinapahayag ni Aguinaldo na ang kasalukuyang digmaan ay nagdudulot ng pag-usbong ng nasyonalismong Pilipino at pagmamahal sa bayan at sa kapwa. Ayon sa kanya, ninanais ng mga imperyalistang Amerikano na masakop ang Pilipinas dahil na rin sa angking kagandahan at likas na yaman ng bansa. Nagbibigay-pugay siya sa mga kasapi ng Partido Demokrata, isang partido pulitikal sa Estados Unidos, para sa kanilang pagsuporta sa kalayaan ng Pilipinas at paglaban sa mga imperyalistang patakaran. |
Isinulat ni Julius Cesar I. Trajano; Inedit ni Raymund Arthur G. Abejo
EXECUTIVE SUMMARY: In his message to the Filipino people, Pres. Emilio Aguinaldo directs all Filipino civilians to return to their homes to look after their personal affairs. He vows that the Revolutionary Army will continue to advance the national struggle for independence against the treacherous Americans and assures them that Filipino revolutionaries are willing to sacrifice their lives in order to ensure that the future generations of Filipinos will live in an independent, peaceful, and progressive Philippines. Aguinaldo says that the ongoing national war stimulates the rise of Filipino nationalism and civic consciousness. He praises the members of the Democratic Party, a pro-Philippine independence American political party, for their anti-imperialist stance and says that the American imperialists want to annex the Philippines because of the country's natural beauty and rich resources. |
Written by Julius Cesar I. Trajano; Edited by Raymund Arthur G. Abejo
SA BAYANG FILIPINAS
Sa pagtupad ng kabaitang tinatalima ng ating gobierno at ng hokbo, ay panibago kong inihahayag sa manga ginigiliw na kababayan, bagama't mabigat sa loob namin, na ang sinomang tawong walang katungkulan sa gobierno, ay mangyayaring umowi at tumahimik sa kanikanilang bayan, nasasakop man ito nang kalaban, upan[…] mapangasiwaang mahusay ang mga pagkabuhay […] at bilang ipinagtatagubilin lamang sa lahat, na […]gay sanang parang walang inaayunang sino pa man neutrales baga;—at sakaling sila'y ganyakin ng kaaua’y, na balaan o hibuin, katulad na nga ng nangyayari, ay ipinababahala sa kani-kanilang malinaw na bait ang politicang maitutugon, yamang kilala ko rin naman ang pagirog at pagdamay sa Inang Filipinas ng bawa't isa sa inyo.
Hindi kailangan ng gobierno natin ang napakaraming tawo, kundi ang kaugma lamang ng bilang ng manga sandata niya at iba pang kailangang katungkulan: kaya, tumiwasay kayo at pawiin sa loob ang pagaalangan, at asahang hindi magpupuknat sa pakikilaban ang ating matiising hokbo, samantalang may extranjerong ibig umalipin sa pinakaiibig nating Filipinas, at kapus man sa sandata ay pagiinutan sila habang may buhay, na di lilingonin ang anomang kapinsalaan.
Tangi sa rito'y minamatamis sa puso nang ating hokbo ang makalilibong mamatay, maipagtangol lamang ang santong katowiran at ang… ¿aanhin pa nga naman ang manga katawan sa ibabaw nang lupa, kung mabubuhay rin lamang sa di katowiran at sa kaalipnan?
Sayang nga nang mahiguit na tatlong daang taong sinkad na iminulat nang manga mata natin sa naging Inang Españang tinatawag, kung ngayon ay pasupil pa tayo sa kaaway! Kaaway na ang adhikay ipagpilitan sa atin ang kanilang wika, upang tayo’y manauli na naman sa pagkasangol! Na sa kalitohan sa inuulak nilang maling adhika ay hindi nawari minsan man na
Ang isip na dilat, ay mahirap nang mabulag.
Di umano’y pamamahalaan tayong ang susundin ay manga leyes ding minana natin sa España!
Sa wari ko’y hindi ligaw na maniwala akong, ukol dito’y marunong pa tayo kung sa manga padpad lamang.
Bayang natutong bumawi nang kaniyang kalayaan, ay sapilitang matutumpak din naman nang paggamit nito!
Sa kabilang dako, ay mabuti rin naman ang ating digmaang itong laban sa partido imperialista (=Republican Party), pagka’t dahil sa kaniya’y lalong namumulat ang isip nang bayan, nalilinang at nadadalisay ang dilang kabaitan, natututong magmasakit sa kapowa, at habang lalong dumadami ang nabubuhos na dugo, ay lumulusog at nagtitibay naman sa puso ng lahat ang pag ibig sa Inang bayan.
Datapua’t kung tahimik na ay dapat naman nating pakatandaang huag magbibitaw ng salitang inaakalang hindi matutupad, gaya nga nang kanilang mga ginawing wica sa unang pagdating dito sa ating lupa, na di umano’y kaya naparito ang americano, ay upang maitangol at matulungan ng pagahon sa hirap ang mga bayang inaalipin ng iba, at ng magkaroon ng sariling Pamahalaan o Gobierno, at agad maitayo ang bandila nang lahi, pangakong buhay sa isip nila at sa isip ng madlang malalaking naciones, na nangakatunghay buhat sa dagat ng Maynila, na pinakasaksing hulog ng langit, ng nangagtagumpay na gawa ng ating malualhating panghihimagsik.
At ipinapapansin ko sa boong mundong matalino, na hindi nililimot ng bayan at ng hokbo ang tipanan at pagiibigang sa ngalan niya’y pinagkasunduan naming ng dumating ditong kinatawan ng Estados Unidos, na si almirante Dewey (=George Dewey), sa pamamagitan ng mga consules americanos sa Hong-Kong at Singapore.
At buhay na buhay sa puso ng bayan at ng hokbo itong bantog na Convenio, na pagkamalas sa mga americanong nabihag naming, ay ipinagsisigawang hinihingi na agadagad pawalan, pagka’t anila’y
Ayan kami at hindi kami nakikipaglaban sa Estados Unidos.
Ang manga tubo sa makapangyarihang naciong iyan ay manga kaibigan namin, aming manga kapatid.
Ang nabawing pagsasarili ay sa imperialista lamang namin ipinaglalaban at hinihinging kilanlin.
Isauli nga natin sa Estados Unidos ang kaniyang manga anak na ating nangadakip, pagka’t ang ating manga kapatid at manga kaibigan ay hindi natin mabibihag.
At sa gangayong kahingian ng lahat na lubhang akma sa aking puso, at sa aking kasalukuyang gobierno ay ipinasiya ko ang pagpapawala ng mga americanong bihag, na ipinagbilin sa G. Secretario ng Guerrang agad ipadala kay general Otis (=Elwell Otis), Comandante general ng mga kalaban.
Kaya nga, mga iniibig na kababayan, ulitulit na ipinamamanhik sa inyong, huag sanang tutulutang mabahirang dungis ang madilag na buhay ng ating Inang Filipinas, at huag tutularan iyang asal na manirang pilit ng katowiran na daanin sa dahas, lalo nanga iyang mga natititik sa tinatawag na leyes internacionales (=international law), at huwag lilimuting kailan man ay di kukulangin ng magtatangkakal ng katowiran; isaisip na laging maraming matang tumitingin, malao’t madali ay sapilitang maghahari ang matowid, gaya nanga ng nangyayari sa bayang tunay ng America, na may isa ngayong partidong (=Democratic Party) kasalukuyang sumusulot sa kanilang gobierno, upang kilanlin nito ang Pagsasarili ng Filipinas. Anopa’t mayroon pa nga tayong maaasahang sa atin ay magtatangol, na pipilit sa kanilang mga kababayang tupdin ang kapangakoan sa atin, kapangakoang malinaw at hayag, bagaman di pinagsulatan , dahilang dapat naman nating ihati sa kanila ng taos sa loob na pasasalamat, sa mangyari at dili man itong unang pagganap, yayamang marahil ay mangagbago nang pasiya balang araw ang ating mga kaaway, at para waring tayo’y tinitikman lamang nila, na gaya ng inaasahang ko, palibhasa’y nakita na naman natin ang kanilang tapang na di mangyaring itangi.
Sa ganitong sanhi, kaya nga naman kusang nagtatangol ang ating kawal, na hindi alintana anomang hirap at sampo ng kamatayan, makita lamang na mabuhay sa katiwasayan ang mga pinakaiirog naming kababayan, at ang mga familia nila, sa lubos na pagasang ito nga
ang malaking kayamanan, na ating maipamamana
diyan sa mga bagong sumisipot na sangol, na dugo ng puso at kapilas ng buhay.
Anong pagkagandaganda mo at pagkasarap-sarap, virgeng Inang Filipinas! Sa kaayaaya mong ayos, sino kaya ang di mahahalina?
punong dahilan manding ipinagaadhikang kamtan ka at..., datapua’t mauubos naman muna kaming lahat, bago itulot na maagaw ka.
Manga kababayan, inaanyayahan ko nga kayo ngayon magdala nang titigisang dakot na uling at putik; at nang mapahiran at matakpan ang kariktan nang ating virgin Inang Filipinas, upang siya’y huag nang matanyag at pagagawananan pa, gaya na nga ng nangyayari ngayong kasalukuyan.
Maraming dugo at buhay tuloy ang napaparamay na namamatay, dahil lamang sa kapagnaghilian sa kaniyang kagandahan nang ilan katauong taga America; sarisaring paratang na nga tuloy ang ibinubuhat upang tamuhin lamang siya, at salamat na nga lamang at ang mga alagad nang Filipinas ay nangagkakaisang loob sa pagtatangol sa kaniya, na di alumanang makitil ang hininga at mawala ang mga kayamanan, palibhasa’y siya ngang katowiran at kapurihan nang lahat; at matanto ng madla, na ang ating boong hokbo ay pawing nagkusang hiningi sa ating gobierno na habang may kalaban ang bayang Filipinas ay huag na muna silang bigyan nang sueldo, at tuloy iniaambag nang mga mayroon ang kanikanilang kaunting kayamanang iniingatan.
Idaing, nga natin sa Panginoon Dios, na bigyan niyang kapangyarihang makapaibabaw sana sa Estados Unidos ang dakilang partido democrata (=Democratic Party), na siyang nagsasangalang ng independencia ng Filipinas; tuloy bigyan ng pangpalubay loob ang mga imperialista, upang huag na tayong daanin sa dahas ng sandata, at kahimanawari huag matuloy ang isang panaginip, na di umano’y sakasakaling sila’y matalo nang democrata, ay panghihigantihan naman ang Filipinas nang malaking indemnización na inaakalang hindi makakaya, at nang magkaroon sila nang katowirang masunod ang dating nasa… sa macatowid, ang digmang ito’y malinaw na isang malaking pangangalakal lamang, na kung pasusuriin ay tunay na kusang pagpatay.
Datapua’t maaasahan pa natin ang mga americanong may mga ganap na bait at tumutupad ng dati nilang lahing may manga puri, na sinasabi na sa itaas; at marami rito sa kanilang mga kasamahang may ganap na kabaitan, lalo na sa mga sundalo, na bagama’t nakikipaglaban sa atin, ay dahil lamang sa disciplina: sa katunayan nito’y marami nang presentados o desertores americanos dito sa atin, na di umano’y ayaw silang makipaglaban sa mga Filipinos, na siyang talagang may katowiran, tangi sa kilala nilang ang digmang ito’y kusang pagpatay at pagamis sa kapowa, palibhasa’y tanto rin nila naman ang kakapusan natin ng sandata dahilang lalong ipinaguulol nang canilang poot sa partido imperialista.
At sa katapusa’y muling inaluluhog sa manga kababayan, na huag na sanang ipagsabisabing ang Filipinas ay maganda at may kayamanang iningat, upanding huag naman tayong mahirapan bukas makalawa sa manga maingitin, at nang tayo’y mapanulos na sa ating katahimikan.
Lumawig ang Pagsasarili nang Filipinas!
Mabuhay ang Republica!
Mabuhay ang hokbong taga pagtangol!
Mabuhay at lumagi ang pagiisang loob!
Tarlak 31 nang Agosto nang 1899.
Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.
1 comment:
You're such a flawed leader kasi, Mr. Aguinaldo (RIP).
You grabbed power from the Supremo and when the Americans came, independence to you was a negotiable thing. Karma and ill leadership pati bayan nadamay.
Post a Comment