Saturday, October 15, 2011

Parangal kay Ka Roger

ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulong Tagapagtatag, Partido Komunista ng Pilipinas
Punong Konsultant sa Pulitika, Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas
10 Oktubre 2011



NAIS namin ni Julie na ipaabot ang pinakatauspusong pakikiramay sa mga anak at kamaganakan ni Kasamang Gregorio Rosal, Ka Roger, gayundin sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas, lahat ng Pulang komander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB o NPA), lahat ng kapanalig ng Pambansang Demokratikong Prente ng Pilipinas (PDPP o NDFP) at sa malawak na masa ng sambayanang Pilipino.

Nagdadalamhati tayong lahat sa pagpanaw ni Ka Roger at dama natin ang matinding pangungulila. Subalit higit na mahalaga na ipagdiwang natin ang tampok na mga  tagumpay niya sa matapat na rebolusyonaryong paglilingkod sa proletaryado at mamamayan. Pinaparangalan natin siya bilang ulirang kadreng komunista, katangi-tanging makabayang Pilipino, magiting na Pulang mandirigma, malinaw na tagapagpahayag at mabisang edukador at organisador sa hanay ng masang anakpawis.

 Kasama tayo ng Partido, NPA, NDFP, mga organo ng kapangyarihang demokratiko, mga organisasyong masa at ng buong sambayanan sa pagpaparangal kay Ka Roger. Ang kanyang rebolusyonaryong kasaysayan ay mahusay na nilalagom sa pahayag ng Komite Sentral ng PKP na nagbibigay sa kanya ng Pulang saludo at gayundin sa pahayag ng Panrehiyong Komite ng Partido sa Timog Katagalugan, na naglalarawan sa kanya bilang walang kamatayang tinig ng rebolusyon sa Pilipinas at ng sambayanang Pilipino.

Palagian kaming humahanga ni Julie kay Ka Roger na galing siya sa pamilyang magsasaka at manggagawang bukid at masigasig na nagtrabaho  para dagdagan ang kita ng pamilya at makaipon ng pera para kumuha ng ilang pormal na pag-aaral. Ipinagmamalaki namin na sumapi siya sa Kabataang Makabayan at kasunod nito’y pinaunlad niya ang kamulatan at ak tibismong makabayan at progresibo hanggang sa antas ng rebolusyonaryong proletaryo.


Nagalak kami nang malaman namin na kabilang siya sa mga kasamang nakatakas mula sa piitan ng Camp Vicente Lim noong 1973. At  tumawa kami nang husto nang ikwento ng mga kasamahan niya sa pagtakas ang kanyang malaking hilig sa pagpapatawa at ibahagi ang ilan sa kanyang mga patawa na may seryosong pampulitikang laman laban sa US at sa pasistang diktadura ni Marcos. Natawa kami sa pangyayaring hindi ipinaalam sa kanya ang balak sa pagtakas subalit naulinigan niya ito sa huli at iginiit niyang maisali sa pagtakas.

Napakagaling niya sa pagtuturo at pag-organisa  ng gawaing Partido at gawaing masa. Sa gayon tumaas ang panunungkulan niya sa Partido, laluna sa Timog Katagalugan. Subalit ang gawaing  mahal na mahal niya sa lahat ay ang pagiging brodkaster sa radyo. Natutuwa siyang gumawa ng sariling mga brodkast sa radyo Sierra Madre ng kilusan at sumagot sa mga tanong mula sa kapwa niyang mga brodkaster sa malalaking network ng radyong nakabase sa Maynila.

Seryoso ang madalas niyang sabihin na ayaw niyang maging mataas na pinuno ng rebolusyonaryong pamahalaan, kundi ambisyon niyang maging tuluy-tuloy na brodkaster kapag nagtagumpay na ang bagong demokratikong rebolusyon. Anut-anuman, napakahusay niya sa gawaing propaganda  kaya sumulong siya sa sentral na posisyon bilang tagapagsalita ng Partido at ng NDFP at bilang pinuno ng Kawanihan sa Impormasyon ng Partido.

Noong dekada 1990 kapag lumulubay ako sa pagtugon sa mga interbyu sa radyo mula sa Pilipinas, dahil sa ibang gawain ko, laging ikanatutuwa ko na naririnig si Ka Roger na siyang madalas na tinig ng rebolusyon sa Pilipinas at ng sambayanang Pilipino. Napakalaking bentahe niya ang magsalita sa loob ng Pilipinas mismo at mula sa hanay ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa. At malinaw at tuwiran ang kanyang estilo ng pagpapahayag tungkol sa mga pinakamasalimuot na kalagayan at pagsusuri sa simpleng mga termino na gagap ng masa.

Binalak namin sa negotiating panel ng NDFP noong unang mga taon ng nakaraang dekada na dalhin si Ka Roger sa labas ng bansa bilang political consultant, hindi  para mabigyan siya ng kalingang medikal dahil napakahusay naman ang nakukuha niyang pag-aalaga sa magagaling na  doktor sa Pilipinas kundi dahil nais namin siyang alisin sa kalagayan na lagi siyang nakakapaggiit  na gumawa ng mahirap na trabaho at lumakad nang malayo sa mahirap na kalupaan. Subalit mula Hunyo 2001 halos nabalaho ang usapang pangkapayapaan.

Tinutukoy namin ang bigong pagnanais na ito para ipakita kung gaano namin kamahal si Ka Roger at gaano ang aming pag-aalala sa kanya dito sa labas ng Pilipinas. Mangyari pa, di namin tinatawaran ang napakahusay na pag-aruga sa kanya ng mga kasama at kaibigan sa loob ng Pilipinas sa kabila ng mga panganib at hirap. Gaanuman kalaking tulong ay hindi sasapat para ipakita ang pasasalamat sa  di-makasariling dedikasyon at paglilingkod ni Ka Roger sa sambayanan.

Nagpakita rin ang kilusan ng lakas ng rebolusyonaryong katangian at organisasyon sa kakayahan nitong pangalagaan ang kaligtasan ni Ka Roger mula sa walang habas na pagtugis sa kanya ng kaaway, gayundin sa paulit-ulit na pagtatanong ng kanyang kapwa mga brodkaster sa malaking media.

Nagpapasalamat tayo kay Ka Roger sa kanyang pamana ng walang-takot na paghahandog-buhay at matatag na pakikibaka na dulot niya sa sambayanan at mga rebolusyonaryong pwersa. Ang kanyang rebolusyonaryong buhay at gawa ay bahagi na ng patuloy na lumalaki at sumusulong na pwersa ng rebolusyong Plipino. Nagbigigay sigla ang kanyang pamana sa kasalukuyang salinlahi at sa mga susunod pa.

Laging magsisilbing huwaran sa rebolusyonaryong kabataan at buong sambayanan ang kanyang halimbawa.###

(Pinaskil dito nang may pang-ayon ni Ka Joma Sison)

__________



 Pinagkunan:

Sison, Jose Maria. Parangal kay Ka Roger.  10 Oktubre 2011. http://www.josemariasison.org/?p=8778#more-8778

Mga larawan mula:

https://www.facebook.com/joma.sison

https://www.facebook.com/photo.php?fbid=288240514536710&set=a.287889721238456.82471.100000522907388&type=1&theater



Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

total pageviews since july 2010