Monday, August 30, 2010

"Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog," ni Gat Andres Bonifacio

Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog
Bonifacio, Andres. “ Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog,” Kalayaan 18 (January 1896).


EXECUTIVE SUMMARY: Andres Bonifacio shows in this essay his tripartite view of Philippine history (Liwanag, Dilim, Liwanag) and exhorts the Filipinos to fight for independence. Bonifacio writes about the true conditions of the Philippines before the coming of the Spaniards. He reiterates that it was a period of ' Liwanag ' . The Filipinos enjoyed prosperity (kaginhawaan), abundance (kasaganahan) and a thriving trade relations with neighboring countries especially Japan. But the Spaniards came and offered the natives friendship and a path towards knowledge.  Although sealed by a blood compact between Sikatuna and Legazpi, the Spaniards did not keep their promise. Bonifacio stresses that this was a period of ' Dilim ' when the Filipinos suffered treachery, slavery and hunger under the Spaniards.  Bonifacio declares that it was the time ' for the light of truth to shine ' or a new period of ' Liwanag ' . He tells the people to follow reason (katwiran), to understand the true state of the country and to unite (magkaisang-loob) against the evils (kasamaan) in our country (Bayan).
(Andres Bonifacio, Katipunan, Bonifacio, sandugo, Bayan, katwiran, kaginhawaan)
 
Itong Katagalugan, na pinamamahalaan nang unang panahon ng ating tunay na mga kababayan niyaong hindi pa tumutulong sa mga lupaing ito ang mga Kastila, ay nabubuhay sa lubos na kasaganaan, at kaginhawaaan. Kasundo niya ang mga kapit-bayan at lalung-lalo na ang mga taga-Japon (=Japan), sila’y kabilihan at kapalitan ng mga kalakal, malabis ang pagyabong ng lahat ng pinagkakakitaan, kaya’t dahil dito’y mayaman ang kaasalan ng lahat, bata’t matanda at sampung mga babae ay marunong bumasa at sumulat ng talagang pagsulat nating mga Tagalog. Dumating ang mga Kastila at dumulog na nakipagkaibigan. Sa mabuti nilang hikayat na diumano, tayo’y aakayin sa lalong kagalingan at lalong imumulat ang ating kaisipan, ang nasabing nagsisipamahala ay nangyaring nalamuyot sa tamis ng kanilang dila sa paghibo. Gayon man sila’y ipinailalim sa talagang kaugaliang pinagkayarian sa pamamagitan ng isang panunumpa na kumuha ng kaunting dugo sa kani-kanilang mga ugat, at yao’y inihalo’t ininom nila kapwa tanda ng tunay at lubos na pagtatapat na di magtataksil sa pinagkayarian. Ito’y siyang tinatawag na “Pacto de Sangre” ng haring Sikatuna * at ni Legaspi (= Miguel Lopez de Legazpi ) na pinakakatawanan ng hari sa Espana.


Buhat nang ito’y mangyari ay bumubilang na ngayon sa tatlong daang taon mahigit na ang lahi ni Legaspi ay ating binubuhay sa lubos na kasaganaan, ating pinagtatamasa at binubusog, kahit abutin natin ang kasalatan at kadayukdukan; iginugugol natin ang yaman, dugo at sampu ng tunay na mga kababayan na aayaw pumayag na sa kanila’y pasakop, at gayon din naman nakipagbaka tayo sa mga Insik at taga-Holandang nagbalang umagaw sa kanila nitong Katagalugan.

Ngayon sa lahat ng ito’y ano ang sa mga ginawa nating paggugugol ang nakikitang kaginhawahang ibinigay sa ating Bayan? Ano ang nakikita nating pagtupad sa kanilang kapangakuan na siyang naging dahil ng ating paggugugol! Wala kudi pawang kataksilan ang ganti sa ating mga pagpapala at mga pagtupad sa kanilang ipinangakong tayo’y lalong gigisingin sa kagalingan ay bagkus tayong binulag, inihawa tayo sa kanilang hamak na asal, pinilit na sinira ang mahal at magandang ugali ng ating Bayan; iminulat tayo sa isang maling pagsampalataya at isinadlak sa lubak ng kasamaan ang kapurihan ng ating Bayan; at kung tayo’y mangahas humingi ng kahit gabahid na lingap, ang nagiging kasagutan ay ang tayo’y itapon at ilayo sa piling ng ating minamahal ng anak, asawa at matandang magulang. Ang bawat isang himutok na pumulas sa ating dibdib ay itinuturing na isang malaking pagkakasala at karakarakang nilalapatan ng sa hayop na kabangisan.

Ngayon wala nang maituturing na kapanatagan sa ating pamamayan; ngayon lagi nang gingambala ang ating katahimikan ng umaalingawngaw na daing at pananambitan, buntong-hininga at hinagpis ng makapal na ulila, bao’t mga magulang ng mga kababayang ipinanganyaya ng mga manlulupig na Kastila; ngayon tayo’y nalulunod na sa nagbabahang luha ng Ina sa nakitil na buhay ng anak, sa pananangis ng sanggol na pinangulila ng kalupitan na ang bawat patak ay katulad ng isang kumukulong tinga, na sumasalang sa mahapding sugat ng ating pusong nagdaramdam; ngayon lalo’t lalo tayong nabibiliran ng tanikalang nakalalait sa bawat lalaking may iniingatang kapurihan. Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng katuwiran na sumisikat sa Silanganan, ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan, ang landas na dapat nating tunguhin, ang liwanag niya’y tanaw sa ting mga mata, ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katuwiran, na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, lalo’t lalong kaalipustaan at lalo’t lalong kaalipinan. Itinuturo ng katuwiran, na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katuwiran ang tayo’y umasa sa ating at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo na katuwiran ang tayo’y magkaisang-loob, magkaisang isip at akala at nang tayo’y magkaisa na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating Bayan.

Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan; panahon nang dapat nating ipakilala na tayo’y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang ani na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan. Araw na itong dapat kilalanin na sa bawat isang hakbang natin ay tumutuntong tayo at nabibingit sa malalim na hukay ng kamatayan na sa ati’y inuumang ng mga kaaway.

Kaya, O mga kababayan, ating idila ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang atin lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayan tinubuan.

  * FN Sikatuna in this document would refer to Rajah Sikatuna who was the ruler of Bohol when Miguel Lopez de Legazpi came to the Philippines.

_________

Source: 

FILIPINIANA.NET

Photo collage: Jesusa Bernardo

Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

1 comment:

Jesusa Bernardo said...

ayon kay Dr. Zeus A. Salazar, dito sa "Dapat Mabatid ng Mga Tagalog" ay malinaw na ipinakita ni Supremo Andres Bonifacio ang pananaw niya na dapat mabuo ang kabihasnang Pilipino batay sa ating sariling kakayanan. Sa madaling salita pang-Pilipinong pananaw o ang tinatawag ngayong PP o Pangkaming Pananaw.

http://blog-by-taga-ilog-news.blogspot.com/2011/05/pangkalahatang-perspektiba-kasaysayan.html

Recent Posts

total pageviews since july 2010