Wednesday, August 25, 2010

Kasaysayan ng Kapilipinuhan ni Dr. Zeus Salazar








KASAYSAYAN NG KAPILIPINUHAN
Bagong Balangkas

Zeus A. Salazar


Lunsod Quezon
Disyembre, 2004


KASAYSAYAN NG KAPILIPINUHAN
Bagong Balangkas
(Karapatang Sipi 1991/1999/2000/2004)

Dr. Zeus A. Salazar





Panimula

            Ang kasaysayan ng Pilipinas ay mahahati sa tatlong panahon o bahagi --  ang Pamayanan (h-k. 500,000/250,00 BK – 1588 MK),  Bayan (1588 -1913) at Bansa (1913 - kasalukuyan).

          Ang PAMAYANAN ay binubuo ng limang kabanata at tumatalakay sa paglitaw ng sinaunang pamayanang Pilipino, mula sa pagsulpot ng unang tao (h-k. 500,000/250,000-7,000/5,000 BK) sa kapuluan -- magdaan sa 1) pagdating at pamamalagi sa Pilipinas ng mga Austronesyano (h-k. 7,000/5,000 BK h-k. 800 BK) na ang dala-dalang mga kagamitan, kaalaman at kasanayan sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay ay magiging pinakabatayan o haligi ng uusbong na kalinangang Pilipino;  at 2) sa pagkabuo ng sinaunang Kabihasnang Pilipino (h-k. 800 BK – 1280 MK) na natatangi dahil sa namamayaning kalinangang mana mula sa mga ninunong Austronesyano at dahil sa ang panahong ito ang simula ng pagsasambayanan (pagbubuo ng mga estadong bayan o etniko), at ng paglawak ng kalakalan sa loob ng Pilipinas at sa pagitan nito at mga karatig-bayan --  hanggang sa simula ng paglaganap  ng Islam sa Sulu, Magindanaw at Maranaw na aabutan ng unang pagsapit ng Kristiyanismo sa Sugbu at ilan pang lugar sa hilagang Mindanaw (h-k. 1280 MK - 1588).  Sa pagpasok ng ika-16 na dantaon, masasalamin sa mga pamayanang nabuo ang kaunlaran at kayamanan ng kabihasnang Pilipino sa lahat ng aspeto ng lipunan -- kalinangan, pananampalataya, pulitika, at ekomoniya.

            Nakatuon naman ang limang kabanatang BAYAN sa pagkabuo ng estadong pangkapuluan sa batayan ng paglawak ng estado o sambayanan ng Maynila na sasaklaw bilang “estadong kolonyal” sa malaking bahagi ng kapuluan (hanggang 1896), habang nananatiling palaban dito ang nalalabing mga estadong etniko (sambayanan) ng Tausog, Magindanaw at Maranaw, kasama na ang iba pang “malalayang” grupong etnolingguwistiko (kabayanan) na taal sa Pilipino. Tatalakayin ang yugtong ito ng pagkabuong pulitikal ng archipelago, mula sa krisis na daranasin ng (mga) pamayanang Pilipino (1588-1663) patungo sa pagpapalaganap ng mga comandancia militar, pueblo,villa at ciudad na Kastila bilang bagong pag-aanyo ng mga batayang pamayanan o bayan ng Kapilipinuhan (1663-1745); sa pagbalik at panimulang paglampas sa estadong etniko (pagsasambayanan) na isasagawa ng ilang mga kabayanan (Katagalugan, Kailukuhan, Sulu, Bohol, at iba pa) bilang batayan ng pagkakaisa laban sa estadong “kolonyal” (Kastila) na nasasalalay sa estado ng Maynila ni Sulayman-Rajah Matanda (1745-1807).

Masasabing magsisimula sa panahong ito ang pagkabuo ng kapuluan sa batayan ng pinalawak na dalumat ng “bayan” na pagdating ng panahon ay magkakaroon ng anyong pangkapuluan sa adhikaing Inang Bayan ni Bonifacio. Nakaugat pa ang prosesong ito sa panahong Austronesyano; samantalang ang paglaganap ng ideyang Europeo/kanluranin ng “nación” ay lilitaw lamang sa panahon ng “Bayang Pilipino: Katutubo at Banyaga” (1807-1861),  bagay na magbibigay-daan sa pagkakahati ng lipunan sa dalawang magkatunggaling kalinangan, kamalayan at puwersang sosyo-pulitikal at pang-ekonomiya --  ang taal na bayan at ang inangkat mula sa Kanluran nanación (1861-1913). Dulot nito, magkakaroon ng magkaibang direksyong ekonomiko-pulitikal at panlipunan ang bagong kabuuang sosyo-pulitikal ng Kapilipinuhan sa pagsapit ng ika-20ng dantaon.

            Ito ang paksa ng BANSA (1913 – kasalukuyan). Nasasalalay ito sa paglaganap ng hangarin ng mga elit (nangangastila sa simula at Inglesero pagdating ng oras) na mabuo ang bansa sa direksyong itinakda ng nación (nasyon) na dulot ng Propaganda -- na ang simula ng pamamayani sa larangang pulitikal ay bunga ng kudeta nina Aguinaldo sa Tejeros at ang pagpatuloy nito sa pagdating nitong huli sa Pilipinas noong Mayo 19, 1898 lulan ng isang boke-de-giyerang Amerikano, matapos isuko ang Himagsikan noong Disyembre 1897 sa Biak-na-Bato -- habang patuloy pa ring adhikain ng Bayan ang masaklaw ang Kapilipinuhan sa loob ng isang bansa bilang pinalawak na Inang Bayan. Tema ng dalawang patunguhan ang “kalayaan” at “kasarinlan.” Mas nakatuon sa “kasarinlan” (bilang “pagsasarili” at “identidad”/“kakanyahan”) ang (mga anak ng) Inang Bayan, samantalang mas importante ang “kalayaan” (bilang “independensya” o “kalayaang pulitikal” o/at pang-ekonomiya) para sa mga nagtataguyod ng “nasyon.”

Ang apat na kabanata ng BANSA ay tumatalakay sa adhikaing mapalaya ang sarili, ang makapagbukod at magkaisa/mapag-isa ang Kapilipinuhan (1913-1946); sa paggawad ng “kalayaan” sa kaelitan ng Pilipinas at sa kinalabasan nitong malaking pagsubok sa estadong nasyonal dulot ng krisis sa identidad at sa sistemang panlipunan (1946-1972);  sa paghahanap ng “kasarinlan” sa ilalim ng Batas Militar bilang lihis na landasin (1972-1986); at sa pagtutuwid nito sa pamamagitan ng pagbabalik sa “demokrasya” at patuloy na pagharap sa suliranin ng kasarinlan (bilang identidad/kakanyahan at tunay na pagsasarili) at “kaunlaran” (1986-kasalukuyan), kung kailan lalong magiging malinaw ang kontradiksyon sa pagitan ng kaelitang pulitikal at pang-ekonomiya na may kulturang Kanluranin (Inglesero) at ng Bayang tapat sa sariling (mga) wika at kalinangan.
                                    
Dayagram 1
KASAYSAYAN NG KAPILIPINUHAN
Bagong Balangkas


INTRO-DUKSYON
Unang Bahagi
PAMAYANAN
(H-K. 500,000/250,000 BK-
1588 MK)
Ikalawang Bahagi
BAYAN
(1588-1913)

Ikatlong Bahagi
BANSA
(1913-Kasalukuyan)


KONKLUSYON
A.      Bakit,ParaKanino, Papaano
B.       Kalagayan at Kapaligiran
K.       Pagkabuo ng Kapuluan
D.    Buod ng    
        Aklat
Panimula: Ang Pagkabuo ng mga Estadong Bayan

I.         Sicalac at Sicavay: Sinaunang Pilipino (h-k. 500,000/250,000 BK – h-k. 7,000/5,000 BK)
II.       Ang mga Austronesyano sa Pilipinas (h-k. 7,000/5,000 BK – h-k. 800 BK)
III.     Sinaunang Kabihasnang Pilipino (h-k. 800 – 1280 MK)
IV.     Estadong Bayan sa Paglaganap ng Islam (h-k. 1280 – 1588)
V.       Kabihasnang Pilipino sa Ika-16 na Dantaon

Pagbubuod:
Kalinangan, Pamayanan at Sambayanan (Pagbuo ng Estadong Bayan o Etniko)
Panimula: Ang Pagkabuo ng Estadong Pangkapuluan

VI.        Krisis ng Pamayanang Pilipino (1588-1663)
VII.      Bayan, Pueblo at Ciudad: Bagong Pamayanan (1663-1745)
VIII.    Batayan ng Pagkakaisa: Balik sa Estadong Bayan (1745-1807)
IX.       Bayang Pilipino: Katutubo at Banyaga (1807-1861)
X.         Bayan at Nación(1861-1913)



Pagbubuod:
Kalayaan at Kasarinlan
Panimula: Nasyon at Bayan sa Pagbubuo ng Bansa

XI.        Iisang Adhikang Kalayaan: Magkasalungat na Pagbubuklod (1913-1946)
XII.      Estadong Nasyonal at ang Pagbubuong Bayan (1946-1972)
XIII.    Paghahanap ng Kasarinlan: Lihis na Landasin (1972-1986)
XIV.    Paghahanap ng Kasarinlan: Masalimuot na Pagtutuwid ng Landas (1972-2004)


Pagbubuod: Nasyonalismo, Pagkamakabayan at
Diwan

______

Source:

Salazar, Zeus. Mula sa "Kasaysayan ng Kapilipinuhan." http://banlawkasaysayan.multiply.com/journal/item/19/KASAYSAYSAYAN_NG_KAPILIPINUHAN_ni_Dr._Zeus_Salazar




Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

Recent Posts

total pageviews since july 2010