Wednesday, September 8, 2010

Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag*

* Unang inilathala sa Philippine Currents, IV:9 (Setyembre 1989), pah. 17-20.

ni Dr. Zeus A. Salazar

 

Sa lahat ng mga wikang Pilipino, may mga konseptong katumbas ng “tayo,” “kami,” “sila,” at “kayo” na tumutukoy sa mga nagsasalita at lahat ng kanyang kausap, kasama kahit na iyong wala. Halimbawa, “tayong mga Pilipino,” kung ihahambing sa “kaming mga Pilipino,” ay nangangahulugang ang nagkakausap-usap ay mga Pilipino mismo at implisitong hindi kasali ang mga banyaga. Sa sitwasyong ito, ang bagay, konsepto, kaisipan at ugali na maaaring pagtuunan ng pansin ay madaling maintindihan, dahil sa napapaloob sa ating sariling lipunan at kultura. Mapag-uugnay natin sila sa isa’t isa na hindi kailangan magkaroon pa ng pantukoy sa iba pang mga konsepto, tao, ugali at kaisipan na kaugnay nila. Katunayan nga, maraming bagay ang implisito nating nauunawaan.
       
Ibig sabihin, kung ang isang grupo ng tao ay nag-uusap lamang hinggil sa sarili at sa isa’t-isa, iyan ay parang sistemang “closed circuit,” pagka’t nagkakaintindihan ang lahat.  Samakatuwid, ang lipunan at kultura natin ay may “pantayong pananaw” lang kung tayong lahat ay gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, pati ang relasyon ng mga kahulugan, pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa.  Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang “code” -- ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali. Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.

Madaling makita ito kung titingnan natin ang mga grupong etno-lingguwistiko sa atin.  Halimbawa, ang mga Tagalog ay may iisang wika at nagkakaintindihan sila sa loob ng wikang Tagalog kung ano ang ibig sabihin ng lahat ng may kaugnayan sa kanilang kaugalian at kaisipan.  Kaya noong araw, pati ang kanilang relihiyon ay iisa -- nananalig sa anito, at sa mga mitolohikal na personahe na ang pinakasentral ay tinatawag nilang “Bathala.” Ang mitolohikal na tauhang ito ay siya ring prinsipal na katauhan ng kanilang epiko.  Nang mawala ang epikong ito ni Bathala noong panahon ng Kastila, ang ipinalit ay ang pasyon, na ang pangunahing katauhan ay isa ring “bathala” -- ang diyos ng mga Kastila, si Kristo.  Makikita natin na bago pa dumating ang mga Kastila sa kapuluan, bawa’t isa sa mga grupong etniko ay may sarili nang “pantayong pananaw,” o sariling kabuuan na nakasalalay sa pagkakabit-kabit ng mga elementong kultural at panlipunan sa isa’t isa, na naipapamahagi at naiintindihan ng taga grupong etniko sa iisang wika: ang sarili.

Sa ganitong pagkakaunawaan, ang pantayong pananaw kadalasan ay hindi hayag sa mga tao kung buo ang lipunan at kalinangan, pagka’t iyon na ang kinagisnan nila at wala nang iba pang kulturang natututunan, maliban sa mga elementong nakakapasok sa (at inaangkin ng) kanilang batayang kalinangan.  Nakikita ito sa kanilang mga ugali, kilos at gawain na nakasalalay sa iisang wika.  Para silang mga isda sa tubig.  At kung mapapalabas sila sa kanilang kultura at lipunan, kailangan pang maipaliwanag sa kanila ang mga gawain at ugali sa ibang kultura at lipunan.  Kailangan nilang ibahagi ito sa kanilang kakultura sa pamamagitan ng kanilang sariling wika.  Sa pagpapaliwanag na ito, ang pananaw ay masasabing “pansila” -- ibig sabihin, patukoy sa iba at hindi sa kapwa:  “ganito sila,” “ganito ang ugali nila,” “ganito ang mga tagalabas banyaga.”

Kung patungo naman sa labas, sa banyaga, ang pagpapaliwanag, ang punto-de-bistang ginagamit nila ay “pangkami,” dahil sa pagpapaliwanag dito ng isa tungkol sa kanyang sariling lipunan at kultura. Kakailanganing ikumpara ito sa ibang sistema ng pag-uugali.  Maaaring gamitin dito ang wikang sarili o iba pang wika.  Halimbawa, kung ang isang Tagalog noon ay pupunta sa Brunei o sa Malaka kaya, ang mga paliwanag niya hinggil sa sariling kaugalian at kalinangan ay maaaring sa wikang Malayo (ang lingua franca noon) o sa Tagalog din (kung nakakaintindi ng Tagalog ang kausap).

Halimbawa naman, kung makikipag-away ang mga Tagalog sa mga taga-Brunei at nagapi nila ang mga ito ng ilang panahon, pagsasabihan nila ang mga ito na “kayong mga taga-Borneo ay iba.  Ganito kayo, hindi kagaya naming mga Tagalog.  Iba kayo.”  Iyon ay maaari nating tawaging “pangkayong pananaw.”  Pangkayo ang pananaw ng nakikipag-usap mula sa labas tungo sa mga tagaloob ng isang partikular na kalinangan.

Ang pinakabuod ng pantayong pananaw sa kasaysayan ay ang pangyayari na nawala (o unti-unting nawasak) ang kabuuan ng maraming mga grupong etnolingguwistika sa atin dahil sa kolonyalismo.  Ang napalit o nailipat sa ibabaw ng lahat ay ang kabuuang kolonyal, na pagkatapos ay ang siyang magiging o kaya gagamiting batayan ng bansang Pilipino, na dahil dito’y lalabas na lipos ng kontradiksiyon.  Kaya ang bansang Pilipino ngayon ay wala (o wala pang) pantayong pananaw (na bumabalot) sa buong bansa.  Kung nais nating mabuo ang bansang Pilipino, samakatuwid, kailangang pausbungin at pagyamanin natin ang pantayong pananaw.


Ang Pantayong Pananaw sa Kasaysayan ng Pilipinas


            Bago dumating ang mga Kastila, wala pang iisang pananaw ang buong arkipelago, dahil wala pa ang bansang Pilipino.  Ang bansang Pilipino ay nabuo lang sa ikalawang bahagi ng nagdaang dantaon.  Ito ay nabuo sa pamamagitan ng mga elite ng bahaging Kristiyano ng kolonyang Kastila.  Nabuo lang ito sa isang bahagi ng Kapilipinuhan na na-expose nang husto sa kanluran, ng mga natuto ng Kastila at napapasok sa kabihasnang Kastila.

            Ang tawag ko sa mga ito ay mga akulturadong tao, na nagsimula sa isang grupong panlipunan noong panahon ng unang pagkatagpo ng mga Pilipino at Kastila.  Tinatawag na ladino ang mga ito, sapagka’t sila ay natuto ng Kastila, kaya ginawang tagasalin ng mga prayle.  Isinalin nila sa kanilang katutubong wika ang mga konsepto at kaisipang ipinasasalin ng prayle, at isinalin din nila ang mga konsepto, ideya at kaisipang katutubo sa wikang Kastila para sa mga prayle.  Sa madaling salita, ang mga ladinong ito ang nakipagtulungan sa mga Kanluranin sa proseso ng pagkolonisa sa kanila mismo at sa kanilang kakultura. 

            Napakasalimuot ng pagtatagpong ito ng Kastila at ladino, at ang ginawa nilang pagsasalin ay napakahalagang aspeto ng kolonyalismong Kastila, pagka’t ang ginawa nila ay isa ring pagsasakatutubo ng diwa at kulturang kanluranin at bise-bersa, ang pagsasakanluranin ng diwang katutubo.  Isang aspetong intelektuwal ng pagtatagpong ito ay napagtuunan ng pansin ng historyador na si Vicente Rafael sa kanyang kalalathalang disertasyon na pinamagatang Contracting Colonialism.
           
            Simula noong ikatlong dekada ng ika-18 ng dantaon ay unti-unting  pumasok nang mas maramihan ang mga ladino sa sistemang kolonyal ng mga Kastila. Sila ay naging mga escribanos (klerk, sektaryo, atbp.), mga abu-abugado (abogadicillos) o di kaya mga katuwang ng mga alkalde at iba pang opisyal na Kastila. Ang iba naman ay pumasok sa sistemang pangrelihiyon; naging mga pare sila, mga pareng sekular. Noong dantaon, nagsimula nang magtatag ang rehimeng Kastila ng mga seminaryo, dahil sa masidhing pangangailangan at sa patakaran ng Hari. Kaya nakapasok sa mga Simbahan at namahala sa mga parokya simula noon ang mga pareng Pilipinong ito -- mga Indio, Sangley (mestisong Instik), at mestisong Kastila.

            Humantong ang penomenong ito noong ika-19 na dantaon sa paglitaw ng mga ilustrado, mga ladinong pormal na nakapag-aral -- ibig sabihin, mga “naliwanagan.”  Ang diretsong pinagmulan ng uring ito ay ang mga pareng sekular.  Ang mga pare ay naghangad na maging kaparis ng mga Kastila (mga monghe).  Higit sa lahat, ayaw nilang malamangan.  Kaya ang gusto nila ay sekularisasyon.  Ayaw nilang agawan ng mga parokya sa pagbabalik ng mga Kastilang Hesuita noong kalagitnaan ng ika-19 na dantaon.

            Ang bagong anyo ng ladinong naging pareng sekular, ang ilustrado, ay iba, dahil talagang edukado na sila at edukado sa labas ng Simbahan.  Noong ika-19 na dantaon, nagkaroon ng mga Kolehiyo sa Unibersidad na napasukan ng mga Indio, mestisong Sangley at mestisong Espanyol, na nasamahan na rin ng tinatawag na kreolyo (mga Kastilang ipinanganak dito sa Pilipinas na tinatawag na “Hijos de Pais,” o mga anak ng bayan).  Dahil sa ang edukasyon nila ay hindi sa seminaryo, mas nakatuon sa tunay na daigdig (sa kalagayang panlipunan at pampulitika) ang kanilang pag-iisip.  At dahil sila ang pinaka-intelektuwal at edukado sa mga “katutubo” sa Pilipnas, sila ang pinakamadaldal, pagka’t puwede silang makipag-usap sa Kastila.  Sila rin ay puwedeng pagbuntunan ng mga alipusta ng mga Kastila hinggil sa mga “katutubo” (na, para sa mga kolonyalista ay tulad nila), dahil nakakaintindi at nakakausap sila ng mga Kastila. 

            Sinabi ng mga Kastila sa kanila, “Kayo ay mga Indio lamang, at lahat ng nalalaman ninyo ay utang ninyo sa amin, sapagka’t ang kasaysayan ng inyong bansa ay may dalawang bahagi lamang:  una, ang panahon na hindi pa kayo Kristiyano at sibilisado, kung kailan lugmok pa kayo sa kadiliman; pangalawa, dumating kaming mga Kastila dala namin ang kabihasnan at ang aming relihiyong Kristiyano upang kayo ay bigyan ng liwanag.” Ganoon palagi ang direksyon ng paglait.

            Walang pakialam ang 95% o 98% ng mga Kristiyano sa mga insultong ito; dahil hindi nila ito naiintindihan (pagka’t ginagawa kadalasan sa banyagang wika).  At lalong walang pakialam ang mga Moro -- ang Bangsa Moro natin ngayon -- at ang mga grupong etnikong nanatiling katutubo, sapagka’t sila ay hindi pa lumalabas sa kanilang sariling kultura, o hindi pa napapahiwalay dito, ibig sabihin, ang malaking porsiyento ng Kapilipinuhan ay mayroon pang pantayong pananaw na hindi pa naapektuhan ng kultura ng mga kolonyalistang Kastila, o di kaya ng mala-Kastilang kultura ng akulturadong elite, kung saan ang nangunguna sa pagiging mala-Kastila ay ang mga ilustrado, mga “naliwanagang katutubo.”

            Ano naman ang naging reaksyon ng mga akulturadong ilustradong iyon na ang wika at kultura ay Kastila na at ang katayuang panlipunan sa sistemang kolonyal ay hindi nila mismo malaman kung saan o alin?  Wala na sila sa kanilang sariling kultura, pero hindi naman sila matanggap ng mga Kastila sa matataas na baitang ng lipunang kolonyal, sapagka’t kahit na sila nakapagsasalita ng magaling na Kastila, paminsan-minsan ay may punto naman (gaya, halimbawa, ni Lopez Jaena na puntong Bisaya o ng mga Luna na puntong Ilokano).  Nakapagsasalita nga sila ng Kastila, nakabihis na parang Kastila at lahat ay Kastila ang asta, pero hindi pa rin Kastila dahil pango ang ilong, kayumanggi, di-sibilisado ang kalahi, Indio pa rin, atbp. (alinsunod sa paglalait ng Kastila). 

            Itong kalagayang ito ng mga ilustrado ay laging inuulit sa kanila ng mga Kastila, kapag gusto silang ilagay sa kanilang lugar.  Ang naging reaksiyon nila ay lumaban sa opinyon ng mga Kastila tungkol sa kawalang-halaga ng mga katutubo o Indio at tawagin ang sarili na mga Pilipino.  (Naipaliwanag ko na ito sa isang artikulong may pamagat na “A Legacy of the Propaganda:  the Tripartite Division of Philippine History.”)  Ang punto-de-bista ng mga Pilipinong ito ay “pangkami,” kaya ang sinasabi nila ay ganito: “Hindi totoo na bago dumating ang mga Kastila ay walang kabihasnan ang mga Pilipino.  Katunayan, may kultura na kami, nakikipag-ugnayan na sa Indotsina, sa India, atbp., bago dumating ang mga Kastila.”  Ito ang pinakabuod ng kamalayang iginiit at pinalaganap ng mga propagandista sa Espanya.

            Ayon kay Rizal, nang dumating ang mga Kastila, nagkaroon pa nga ng pagbagsak ang kabihasnang katutubo dahil sa nawalan ng interes ang mga Pilipino na pagyamanin ito.  Lagi na lamang silang nilulusob o isinasama sa mga kampanya militar na inilulunsad ng mga Kastila sa loob man o sa labas ng arkipelago, at ang ginagapas nila sa kanilang mga ginagawa ay hindi napupunta sa kanilang sarili.  Ang linya ng kaisipan ni Rizal (at ng iba pang propagandista) ay: “Pag nawala na ang mga Kastila, sisikat muli ang kabihasnan sa Pilipinas.”  Kaya, mula sa kadilimang dala ng Kastila, babalik ang dating kaliwanagan sa Pilipinas.  Samakatuwid,  ito ang pangkaming pananaw ng hanay ng mga propagandista sa hanay ng ideolohiyang pangkasaysayan ng mga Kastila na nagsasaad na napalitan ng kaliwanagan ng relihiyon at kabihasnang Kastila ang kadiliman at kamangmangan ng panahon bago sila dumating. At sapagka’t ipinatutungkol ng mga propagandista ang pagwawalang-katuturan sa ideyang ito, kinailangan nilang sabihin at ikalat sa wikang Kastila para sa Kastila.  Samakatuwid, nasa “pangkaming pananaw” ang kanilang sariling lipunan at kultura.  Hindi ang mga kabalat at kasapi ng dati nilang kulturang katutubo ang kanilang kinakausap. Kaya nasimulan ang isang tradisyon ng pagbubuo ng kabihasnang pambansa (at Pilipino) sa wikang banyaga, at batay sa mga konseptong banyaga.  Ibig sabihin, ang kabuuang pangkalinangan na tinukoy, ipinagmalaki at nilikha ng mga propagandista, sa katunayan, ay bahaging lokal lamang ng kabihasnang Kastila:  gawa-gawa lamang ng mga naging Kastilang mga Indio’t mestiso, na may ilang mga elementong naaalaala mula sa mga katutubong kultura.

            Nang dumating ang mga Amerikano, ang inatupag naman ng mga ilustrado ay ipakita sa mga banyaga na ang Pilipino ay puwede -- puwedeng maging doktor, abogado, inhinyero, at pati na bomba star -- kaya sa kamalayan ng kulturang elitista, laging ipinamamalas ang pagsulpot ng “Filipino” (unang Pilipino) sa kung anu-anong larangan!  Kung baga, laging kulelat tayo; kasi naroon na ang iba bago tayo nakagawa ng ganoong naging una roon.  Kaya mula noon, hanggang ngayon, sinisikap nating ipakita na hindi naman talagang huli ang Pinoy.  Ibig sabihin, dapat lang hatulan ang gawain ng Pinoy mula sa patakaran at sa pamantayan ng tagalabas o banyaga.  Dapat basbasan ng banyaga ang anumang gawa o gawaing Pinoy, bago ito ituring na magaling.  Kaya mula noong propaganda, hanggang kasalukuyan, ang nilikha ng Pilipino ay sa loob ng isang wika at kulturang banyaga: ang wika at kulturang iniwan (o ipinamana) ng kolonyalista.  Mas madali kasing lumikha roon.

            Mula noong panahon ng Kastila, hanggang ngayon, sumusulat ang mga propagandista (at mga humahalili ritong mga intelektuwal na mga ilustradong nadagdagan ng mga pensionado, Fulbright scholars at iba pang inisponsor ng Amerika) sa wikang dayuhan, para ipakita na puwede rin sila, at puwede nga.  Iyon lang, upang makalikha sa Kastila (o Amerikanong Ingles) kakailanganin munang maging Kastila (o Amerikano) ang mga nagmimithing maging “Pilipino.”  Ibig sabihin, kailangan munang humiwalay sila at iwanan nila ang katutubong kultura.  Kakailanganin ang mga iyon na mapahiwalay sa katutubong kultura, at mamaya-maya ay bumalik dito para gamitin sa kanilang paglikha at upang bigyan ito ng ibang kaayusan.  Maaaring ito ay idealization process o kaya pag-aalipusta sa dating kultura.  Ngunit, anuman ang bagong kaayusang kultural nilikha nila ay batay sa banyaga at hindi bukal sa sarili.

            Sa panahon ng Amerikano, tulad ng naipahiwatig na, ay ipinasok naman ang wikang Ingles sa pagpapatuloy ng gawain ng mga propagandista: ang pagbubuo ng kulturang “Pilipino” para sa Pinoy na ang wika ay Ingles at para sa mga banyagang Amerikano at iba pang marunong mag-Ingles at natural lamang, sa loob ng mga pamantayang banyaga.

            Sa madaling salita, ang namamayani sa panahong kolonyal ay ang pansila at pangkaming pananaw, samantalang nanatili ang pantayong pananaw sa loob ng mga grupong etniko, pananaw na hindi naisipang gamitin sa pangkabuuan, para sa kabuuan ng bansang itinatag.





Halaw mula sa Zeus A. Salazar, “Pantayong Pananaw: Isang Paliwanag” sa Pantayong Pananaw: Ugat at Kabuluhan, eds. Atoy Navarro, Mary Jane Rodriguez at Vicente Villan, 55-64. Lungsod ng Mandaluyong: Palimbagang Kalawakan, 1997. Para sa kopya ng aklat, makipag-ugnayan sa Bahay Saliksikan ng Kasaysayan - Bagong Kasaysayan. (Hango mula sa
http://bagongkasaysayan.multiply.com/journal/item/10).

Photo credit: 

http://www.oursurprisingworld.com

  
***********

Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

total pageviews since july 2010