Saturday, November 5, 2011

Pakikiramay kay Manuel "Ka Nonong" Alabado, Unyonista

Ni Jose Maria Sison at Julieta de Lima (Ka Joma at Ka Julie)


Taos puso kaming nakikiramay sa pamilya ni Manuel (Ka Nonong) Alabado sa kanyang pagpanaw. Nagdadalamhati tayo sa pagkawala ng isang minamahal subalit ipinagbubunyi natin ang lahat ng mabuting gawa hindi lamang para sa pamilya kundi para sa sambayanang Pilipino.

Makabuluhan ang buhay ni Ka Nonong dahil sa matapat at puspusang paninilbihan niya sa uring manggawa at sambayanang Pilipino. Wala pag-iimbot na nag-alay at nag-ambag siya sa kilusang paggawa at kilusang pambansa demokratiko sa abot ng kanyang kakayahan.

Nakasama namin si Ka Nong sa pakikibaka. Ipinagmamalaki namin at lahat ng makamabayan at progresibo ang kanyang katapatan, kasigasigan at walang takot na pagkilos. Mahusay na ginampanan niya ang kanyang mga tungkulin kahit na ano ang mga kahirapan, mga panganib at kalupitan ng kaaway, laluna sa panahon ng pasistang diktadura ni Marcos.

Sa dekada ng sesenta, madalas na magpunta sa bahay namin si Ka Nonong para pag-usapan ang gawain sa kilusan at para maghanda ng mga plakard at iba pang kailangan para sa mga rali at aklasan. Malapit siya kay Ka Arthur Garcia na unang nakakilala at nagpaunlad sa kanya bilang kabataang makabayan at unyonista.

Matatag at militante si Ka Nonong sa pagkilos bilang opisyal ng unyon na itinatag ng Kabataang Makabayan sa US Tobacco Corporation. Isa siyang ulirang lider manggagawa sa matinding tunggalian ng uri at mahabang aklasan sa USTC. Gayundin sa pagtulong sa pagbubuo at pagpapaunlad ng mga unyon sa iba pang pabrika tulad ng Manila Cordage at San Miguel Brewery.

Sa ikalawang Kongreso ng Kabataang Makabayan noong 1966, iginawad sa kanya ang pagkilala bilang matatag at militanteng aktibista. Naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas dahil sa kanyang mataas na kamalayan at magsigasig na pagkilos bilang isang rebolusyonaryong proletaryo.

Mahalaga ang kanyang ambag sa muling pagtatatag ng Partido sa liwanag ng Marxism-Leninismo-Maoismo at sa pagbubuo ng sangay ng Partido sa pabrika at sa komunidad.

Madalas din siyangg kasama sa pagtatanggol sa pamunuan ng Partido sa mga pagpupulong at mahahalagang pakikipag-ugnayan sa iba pang pwersa.

Ang mga ambag ni Ka Nonong sa demokratikong rebolusyon ng bayan at sa sosyalistang hinaharap ay hindi kailanman maglalaho. Bahagi na ito ng laging lumalaki at lumalakas ng kilusan ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Mananatili sa ala-ala ng bayan ang maningning na pamana ni Ka Nonong. ###

(May pagpayag ng pagsipi/paglimbag mula kay Ka Joma Sison)

_________

Pinagkunan:

Sison, Jose Maria at de Lima, Julieta. PAKIKIRAMAY SA PAMILYA NI MANUEL (KA NONONG) ALABADO. http://www.josemariasison.org/?p=8855#more-8855


Hilaw na Larawan mula sa:

 (AP). http://www.daylife.com/photo/0er74bP8rF94A?q=Ferdinand+Marcos



Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

total pageviews since july 2010