Monday, January 23, 2012

Sa Pagdiriwang ng Republika ng Pilipinas: Ang Tali sa Retrato ng Malolos*

 ni Prop. Michael Charlestone Briones Chua
Ikalawang Pangulo ng National Historical Association


MAY dalawang daw klase ng tao sa Pilipinas, kung hindi ka mayaman, siyempre mahirap ka.

Tila tumutugma ito sa pagsusuring ginawa sa lipunan ni Dr. Zeus A. Salazar. Ayon sa kanya, mayroon daw dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa pagitan ng elit at ng bayan / masa. Tumutukoy ito sa magkaibang kultura at kaisipan nila na lumitaw sa kanilang ideya ng bansa noong panahon ng Himagsikang Pilipino.



Sa mga elit / ilustrado noon na na nagkaroon ng edukasyong Europeo ang pagkabansa ay yaong naganap Rebolusyong Pranses at mababasa sa mga sinulat ng mga pilosopo ng Enlightenment —isang Nación sa uring Republicano kung saan ang bawat citizen ay may mga karapatan at kalayaang tinatamasa ayon sa Konstitusyon, nakakamit ito sa pamamagitan ng Revolucion hanggang matamo ang pulitikal na Independencia.

Ngunit hindi sapat ang kalayaan lamang para sa bayan at mga makabayan. Sa orihinal na Katipunan ang ideya ng bansa ay nag-uugat sa dalumat o konsepto ng Inang Bayan, kung saan ang lahat ay magkakapatid sa pag-ibig sa bayan, at ang tunay na kalayaan ay kaginhawaan, at ang batis ng kaginhawaan ay ang matuwid na kaluluwa ng mga anak ng bayan.[1]

Ang pagkakahating ito ay nasasalamin rin sa mga larawan ng Kongreso at Republika ng Malolos noong 1898-1899 ayon kay Dr. Salazar sa kanyang presentasyon na unang ImaheNasyon. Kung titingnan ang parada, ang mga elit ang bida habang ang bayan ay tagamasid lamang.[2] Sa sikat na larawan ng looban ng Simbahan ng Barasoain noong Kongreso ng Malolos, ipinakita sa akin ni Prop. Ian Christopher Alfonso na ang mahiwagang linya na matagal nang tinatanong ni Dr. Ambeth Ocampo sa kanyang mga kolum[3] ay tali pala na naghihiwalay sa mga delegado at sa mga manonood kung titingnan ang mga mas maliwanag na larawan.

Sa mga historyador na tulad ni Teodoro Agoncillo, total failure ang Gobierno Revolucionario sa Malolos dahil mga mayayaman at elitista ang kumatawan sa bayan. Elitista ang konsepto, elitista ang tao. Malolos: Tragedy of the Revolution, pamagat ng kanyang akda.

Pero para sa akin, elit man ang Kongreso at Republika ng Malolos, hindi ibig sabihin ay lahat ng nag-aadhika ng Nación ay masama na, at hindi para sa bayan ang kanilang ginagawa. Nakulong tayo sa imahe ng balimbing na elit na tulad ni Pedro Paterno.

Ang Malolos noong 1899 ay salamin ng tunay na mundo. Ang inggitan at pulitikahan na makikita sa ating pamahalaan ngayon ay makikita na rin sa Unang Republika. Tulad ng ipinahayag ng papel ni Prop. Jonathan Balsamo, ito ay “laro ng pulitika” ng ating mga pinuno kung saan ang kadalasang natatalo ay ang bayan na tagamasid lamang at hindi naman talaga kasali. Ngunit sa kabila nito ay mayroong mga salaysay ng kabayanihan.

Sa pagtalakay ni Dr. Celestina Boncan ngayong hapon nakilala natin ang katulad ni Felipe Agoncillo na isinakripisyo ang kanyang gumagandang karera sa pagka-abogado para maglingkod bilang diplomat, ang ating unang diplomat, ng isang pamahalaang walang perang pantustos sa kanyang mga paglalakbay.

Ang kanyang asawa, si Marcela Mariño Agoncillo ay ipinagbenta pa ang kanyang mga hiyas upang ipantulong na itustos sa mga paglalakbay ni Felipe sa Paris upang makilahok sa Tratado sa Paris bagama’t pinagsarhan siya ng pinto, at sa Washington, D.C. kung saan nakausap niya ang Pangulo ng Estados Unidos, at sa iba’t iba pang bansa sa daigdig upang makuha ang isang kinakailangan upang maging isang bansa-estado—ang pagkilala ng pandaigdigang pamayanan. Hindi rin siya basta-basta naniwala sa mga pangako ng Estados Unidos at kinausap ang iba pang mga bansa. Elit nga at kanluranin si Felipe Agoncillo ngunit nakita natin na siya ang isa sa pinakamagaling na kanluranin, at kung kanluraning mga bansa at tao ang kausap, kailangang kanluranin ka rin, kaya naman siya iginalang. Ikararangal ng Malolos ang Batangueño na ito sa Republika ng inyong bayan.

Sa papel ni Prop. Ian Christopher Alfonso nakita natin na sa kabila ng elitistang konsepto ng pamahalaan, may pagtatangka na magkaroon ito ng mukha na katutubo. Ngayon ko lang nalaman mula sa kanya na ang opisyal na salin nina Hen. Aguinaldo sa Tagalog ng Gobierno Revolucionario ay Pamunuang Tagapagpabangong Puri. Makikita rin sa memorandum sa kalendaryo ni Aguinaldo para sa petsang 12 Hunyo 1898, kanyang sinulat “Ypinanaog ang Bandera nacional dito sa bahay ng nasirang Dn. Maximo Ynocencio, patungo sa bayan ng Cauit o C. Viejo p.a proclamahin ang aspiracion ng Yndep.a nitong Sangkapuluang Katagalugan o Filipinas oras ng a las cuatro at dalauang minutong hapon. Cavite a 12 Junio 1898.”[5] Samakatuwid, ginamit niya bilang pantawag sa Pilipinas ang konsepto ng “Katagalugan” ni Andres Bonifacio! Pagkilala niya ito sa pagpapatuloy ng pamahalaan niya sa pamahalaan ni Bonifacio, bagamat masalimuot na isyu ito.

Bagama’t inaakala ng marami na masoniko ang mga simbolismo na nasa ating watawat na dinisenyo ni Hen. Aguinaldo, na isa mismong mason, sa pagbasa ni Dr. Zeus Salazar, kung nag-ugat sa tatsulok ng Katipunan ang trianggolo ng watawat, may impluwensya rin sa disenyo ang disenyo ng anting-anting ng mata ng omniscient na Diyos. At ang mitolohikal na araw ay nagmula rin sa simbolo ng mga katutubo Austronesyano sa Bathala.[6]

Maaaring sabihin na nalinlang si Hen. Aguinaldo ng Amerikanong Konsul na si E. Spencer Pratt nang pangakuan ito ng diplomat na tutulong ang Amerika sa pagpapaalis sa mga Espanyol habang kikilalanin ang pagsasarili ng mga Pilipino (Bagama’t nabasa ko sa isang librong Amerikano ukol sa Digmaang Espanyol-Amerikano na walang ebidensya o dokumento na magpapatunay na mayroong ipinangako na gayon kay Aguinaldo), si Hen. Aguinaldo rin ay mabilis na kumilos nang kanyang maramdaman na ang pangakong ito ay hindi tutuparin. Matapos ang Moro-Morong labanan sa Maynila noong 13 Agosto 1898, at nang makuha ng mga Amerikano ang Intramuros, ang sentro ng kapangyarihang kolonyal, at hindi pinapasok ang mga kawal Pilipino dito, agad na itinatag ni Hen. Aguinaldo ang Kongreso ng Malolos upang itatag na ang naging unang konstitusyunal na demokratikong republika sa Asya.

Kaya naman bagama’t debatable ang papel ni Hen. Aguinaldo sa ating kasaysayan, let us give credit to where credit is due. Ibigay ang aginaldo na nararapat kay Hen. Emilio Aguinaldo.

Sa kasaysayan na ito ng Unang Republika sa Malolos, makikita natin ang pagtatalaban ng kwento ng elit at bayan, at maging ng bisa ng kasaysayang pampook (local history o micro history / bulilit kasaysayan sa kataga nina Dr. Jaime B. Veneracion at Dr. Lino Dizon) sa kasaysayang pambansa, at vice versa. Hindi magkakasaysay ang pambansang kasaysayan kung hindi titingnan ang mga lokal na reyalidad.

Bilang pangwakas, sa ating paghimay ng mga imahe ng nasyon at bayan sa Unang Republika sa bayang ito, makikita natin ang hindi nawawalang kahalagahan ng Malolos sa pagtanaw sa pambansang kasaysayan. Gayundin huwag lamang tayong magpokus sa mga masasamang nangyari kundi sa mga mabubuti ring mga nagawa sa Republikang iyon.

Sa aking palagay, nakita rin natin dito na hindi masama na maging elit o maimpluwensyahan ng Kanluran. Ang masama ay maging sakim sa kayamanan at kapangyarihan anuman ang iyong katayuan sa buhay. Nariyan na ang impluwensyang kanluranin, yakapin na natin ang mga ito, basta iaangkop natin ang mga ito sa kultura at pangangailangan ng bayan.

Ayon sa Lakambini ng Katipunan, Gregoria de Jesus, “Sikapin ang ikapagkakaisa ng lahat at ika uunlad ng bayan upang huwag magkaroon ng sagabal ang kasarinlan.”[7] Mabubuo lamang ang sambayanan kapag lumiit na ang gawat at nagkaisa na ang elit at ang masa, nabagtas na ang dambuhalang pagkakahating pangkalinangan sa pamamagitan ng talastasang bayan na isinasaalang-alang ang ating pananaw at ang ating ikabubuti.

Ngunit huwag nating kalimutan ang mga katutubo nating konsepto, lalo ang pakahulugan ng unang Katipunan sa Kalayaan at Katimawaan, na kailangan may kaginhawaan at kagandahang loob bago maging tunay na malaya ang buong sambayanan.

____________

Mga Batis

[1]               Zeus A. Salazar, “Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan,” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 8 (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Lahi, 1999); Zeus A. Salazar, “Wika ng Himagsikan, Lengguwahe ng Rebolusyon.” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 6 (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Lahi, 1999); at Teresita Gimenez-Maceda, “The Katipunan Discourse on Kaginhawahan:  Vision and Configuration of a Just and Free Society,” sa Kasarinlan:  A Philippine Quarterly of Third World Studies 14:2 (1998), 80.

[2]               Zeus A. Salazar, “Ang Nasyon at Bayan sa ‘Congreso Filipino’ ng 1898:  Isang Pangkalahatang Perspektiba” (Papel na binasa sa  pagsasara ng pambansang kumperensya ng Bahay Saliksikan ng Bulacan, Kapisanang Pangkasaysayan ng Pilipinas, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas at UP Lipunang Pangkasaysayan bilang paggunita sa ika-112 na taon ng pagbubukas ng Unang Kongreso ng Pilipinas sa Malolos, Bulacan, “ImaheNasyon:  Paghiraya sa Nasyon at Bayan ng Congreso Filipino, 1898,” Bulacan State University Hostel, 14 Setyembre 2010).

[3]               Ambeth R. Ocampo, “Sosyal in Malolos” sa Mabini’s Ghost (Lungsod ng Pasig: Anvil Publishing, Inc., 1995), 78.

[4]               Lino Lenon Dizon, “The Tarlac Revolutionary Congress” sa The Tarlac Revolutionary Congress of July
14, 1899:  A Centennial Commemoration (Lungsod ng Tarlac:  Center for Tarlaqueño Studies, Tarlac State University, 1999) at Michael Charleston B. Chua, “A Footnote in History:  Tarlac, Seat of Government of the Philippine Republic, 1899,” Alaya:  The Kapampangan Resesarch Journal 3, December 2005.

[5]               Isagani R. Medina, “Si Emilio Aguinaldo Bilang Tao at Ama ng Kalayaan, Bandila at Awiting Pambansa,” sa Isagani R. Medina, ed., Ilang Talata Tungkol sa Paghihimagsik (Revolucion) nang 1896-97 sinulat ni Carlos Ronquillo y Valdez (Lungsod ng Quezon:  Palimbagan ng Unibersidad ng Pilipinas, 1996), 795.

[6]               Zeus A. Salazar, “Ang Kartilya ni Emilio Jacinto at ang Diwang Pilipino sa Agos ng Kasaysayan,” Bagong Kasaysayan:  Mga Pag-aaral sa Kasaysayan ng Pilipinas, 8 (Lungsod Quezon:  Palimbagan ng Lahi, 1999), 29, 34.

[7]               Gregoria de Jesus, Mga Tala ng Aking Buhay at mga Ulat ng Katipunan (Maynila:  Palimbagang Fajardo, 1932).




Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

total pageviews since july 2010