Saturday, August 27, 2011

Walking History: HUWAG nang IPAGDIWANG ang BUWAN ng WIKA

ni MICHAEL XIAO CHUA


DAHIL kaarawan ngayon ng Pangulong Manuel Quezon na nag-adhika na magkaroon ng isang Pambansang Wika na batay pangunahin na sa Tagalog ngunit kabilang dapat ang mga salita mula sa ibang mga wika sa Pilipinas, kaibigan, tara, usap tayo... sa Filipino.


Madalas ako makakita ng mga karatula sa mga paaralan ngayon na ipinagmamalaki na “This is an English-Speaking Zone.”  Diumano upang tayo ay maging “globally-competitive,” ipinatupad ng nakaraang administrasyon ang polisiya na halos lahat ng asignatura ay dapat itinuturo sa Ingles.  Dito, kapag ikaw ay nagsasalita sa Ingles, kahit wala namang laman ang sinasabi mo, ang tingin sa iyo ay matalino.  Sa isang mamahaling kolehiyo aming nakita minsan ni Dr. Zeus Salazar, “English is the language of leaders.”  Sabi niya, “Bakit?  Si Napoleon ba iningles ang mga Pranses?  Si Mao ba iningles ang mga Tsino?”

Kahit marami ngayon ang “wrong grammar” sa paggamit ng Ingles, ipinagmamalaki natin na mas marami pa ring nagsasalita ng Ingles dito sa Pilipinas kaysa sa Inglatera.  Kung totoo ito, bakit tila hindi tayo mga pinuno sa daigdig?  Bakit tayo naghihirap?  Bakit walang sapat na marangal na trabaho sa bansa na kinakailangan na matuto tayo ng Ingles upang magsilbi sa pangangailangan ng mga dayuhan sa mga kasambahay, nars at caregiver at tagasagot ng telepono?  Bakit ang Hapon, Tsina, Europa ay mayaman kahit na maging ang mga CEO ng kanilang mga kumpanya ay bobo sa Ingles?  Sapagkat ang biyaya ng edukasyon, ekonomiya at pulitika dito sa Pilipinas ay nananatili lamang sa mga marunong mag-Ingles.  Ang may kontrol sa wika ay may bahagi sa kapangyarihan.  Maraming dahilan kung bakit tayo mahirap, ngunit hindi ba’t kabilang dito ang katotohanang hindi talaga makasawsaw ang mas nakararami sa mga isyu ng pagkabansa?  It’s the language, stupid.


Samahan niyo ako at hirayain natin (let’s imagine):  Sa kabila ng iba’t ibang wika na nakapaloob sa Kapilipinuhan, tayo ay nagkakaintindihan sa isang wika na mula sa ating kapuluan.  Ayon kay Dr. Salazar, “Gumagamit ng mga konsepto at ugali na alam natin lahat ang kahulugan, ...pati ang relasyon ng mga kahulugang ito sa isa’t isa.  Ito ay nangyayari lamang kung iisa ang ‘code’—ibig sabihin, may isang pangkabuuang pag-uugnay at pagkakaugnay ng mga kahulugan, kaisipan at ugali.  Mahalaga (at pundamental pa nga) rito ang iisang wika.”  Imbes na sa Ingles lamang nakalimbag ang Harry Potter o Twilight saga, ito ay isinasalin sa wikang mababasa na rin ng mas nakararaming Pilipino; na naglilimbag na tayo ng mga aklat ukol sa pilosopiya, quantum physics o quantum mechanics sa ating sariling wika; Na sa sistemang legal sa Pilipinas hindi na naagrabyado sa kaso ang mga mahihirap dahil wala silang maintindihan; Na naisasama na ang mahihirap sa biyaya ng ating ekonomiya dahil naiintindihan na nila ito; Na unti-unting nabubuo ang ating bansa dahil “nag-uusap tayo,” tulad ng sinasabi ni Boy Abunda, ukol sa ating sariling kasaysayan at karanasan, natutuklasan natin ang ating sariling lakas, at sa pagkakaintindihan nabubuo ang respeto sa isa’t isa, na nagbubunsod ng pagkakaisa sa kabila ng pagkakaiba-iba.  Hindi ba napaganda ng bansa natin kung ganoon?

Ito ang layunin ng Pantayong Pananaw at Bagong Kasaysayan, iskwelang pangkaisipan na sinimulan ni Dr. Salazar at patuloy na pinapanday ng mas nakababatang mga historyador (Para sa buong paliwanang, puntahan ang http://bagongkasaysayan.org), na sa pagbabalik-tanaw natin sa kasaysayan na “may saysay” sa atin, sa ating sariling wika, para sa bayan, mas maiintindihan natin ang ating sarili.  Maliit kasi ang tingin natin sa ating sarili dahil sa mga “historia” na isinulat ng mga dayuhan sa kanilang perspektiba at nagturo sa atin na umasa lamang sa kanila.  Bagama’t marami ang nagsusulat ukol sa ating kultura at kasaysayan, marami ang hindi nito naaabot dahil sa Ingles lamang nasusulat ang mga ito.


Hindi tayo maaaring maging “globally competitive” kung hindi tayo nagkakaintindihan bilang bansa at hindi matibay ang ating kultura.  Sapagkat ang nais ng globalisasyon ay magkaroon ng isang kultura ang daigdig upang mabenta ang mga produkto ng mga dominanteng bansa.  Magigising tayo minsan na wala na tayong pagkakakilanlan, na patay na ang ating pagkabansa tulad ng sinabi ni Simoun kay Basilio sa mga nobela ni Rizal.  Imbes na mapakinabangan natin ang globalisasyon, magagamit lamang tayo nito.

May mga nag-adhika noon na Ingles na ang maging pambansang wika tulad nina Isidoro Panlasigui.  Tinuruan na daw kasi ang Pilipino na magbasa ng Ingles, at may grupo na ayaw tanggapin ang Tagalog/Filipino bilang wikang pambansa.  Ngunit, ibang usapan kasi kung naiintindihan talaga ang kayang basahin.  Marami na sa kapuluan ang nakakaintindi ng Filipino dahil sa media.  Ang wika kasi ay kultura.  Ibig sabihin, hindi mairerepresenta ng isang dayuhang wika ang yaman ng ating kultura at damdamin tulad ng isang wika mula sa Pilipinas.  Ang “rice” sa Ingles ay palay, bigas, kanin, bahaw, tutong, sinangag, lugaw at iba pa sa Filipino.

Kapuri-puri ang halimbawa ng Pangulong Noynoy Aquino na kausapin ang bayan sa wika nito.  Nasa diwa siya ng kanyang ina na kahit elitista at Inglesera ay inutos sa kanyang Executive Order 335 na gamitin ang Filipino sa mga gawain ng estado.  Ayon kay Adrian Cristobal noong 1988, “This...is what President Corazon Cojuangco Aquino can legitimately parade as her achievement...:  That she has inducted the government and therefore the political realm into the same universe inhabited by the many.....  It is her one true act of statesmanship, an act that bolder presidents couldn’t dare because of the loud objections of regional leaders....  This presidential act will do more for our nationhood than any gesture at leadership.”  1 Agosto kapwa namatay ang Pang Quezon (1944) at Pang. Cory (2009).  Sana alalahanin din ang huli na tagapagtaguyod ng Wikang Pambansa sa buwan na ito at tunay na ipatupad ang kanyang magandang sinimulan.




Totoo, mahalaga pa rin sa akin ang matuto, magsulat at magsalita ng Ingles, at maganda pa nga matuto pa tayo ng Espanyol, Tsino, Aleman, Italiano, at iba pa.  Ngunit mali na itaguyod ang dayuhang wika habang isinasakripisyo nating ang pag-usbong ng Filipino at mga wika sa Pilipinas hindi lamang sa akademya kundi sa pamahalaan at ekonomiya.  Ito ay isang krimen sa ating kultura.  Kung patuloy na ipapatupad ang “English Only Policy” sa mga paaralan, nag-aaksaya lang tayo ng panahon, huwag na nating ipagdiwang ang Buwan ng Wika.

Sa mga nagtataguyod ng Filipino at ng mga wika sa Pilipinas, huwag mag-alala.  May kakampi tayo kay Emilio Jacinto, “tunay na [mahalaga ang] tao kahit laking-gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika.”


******

Sa Setyembre 15-16, magkakaroon ng taunang kumperensya ang Philippine Historical Association bilang pagdiriwang ng Linggo ng Kasaysayan  ukol sa papel ng kasayhttps://www.facebook.com/notes/michael-charleston-briones-chua/walking-history-column-by-xiao-chua-huwag-nang-ipagdiwang-ang-buwan-ng-wika-good/10150286995768622sayan sa pagtuturo ng ibang disiplina sa mga agham panlipunan na gaganapin sa gusali ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas sa Daang Kalaw, Lungsod ng Maynila.  Para sa impormasyon, tumungo sa aming bahay-dagitab, http://www.pha1955.blogspot.com.

_____________


(Reprinted with permission from Prof. Michael Charlestone B. Chua)


Pinagkunan:

Chua, Michael Charlestone B. Walking History: Huwag Nang Ipagdiwang ang Buwan ng Wika, Good Morning Philippines, 19 August 2011. Good Morning Philippines Times Chronicle. 19 Aug. 2011. http://goodmorningphilippines.ph/index.html


Photo credits:

http://lilianmaeg.files.wordpress.com/2011/08/buwan.jpg?w=400&h=563

http://media.economist.com/images/20090606/D2309AS1.jpg

https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgjWrKFtRCs8hzF3jBA79ReejNPl0P09Bm3Dfgz6JG_XBbj7Eglb-i-vNI7ICf21ft312hJMYSp-Xe0vFd_ypWsZ22NqfWlq0QbzhtACTEAQeczF99XtlmhRmV6jWL0XFTQjB2rRQrUrUd5/s1600/Buwan+ng+Wikang+Pambansa.png

http://i528.photobucket.com/albums/dd323/jpsquilla81/Kindergarten%20Zyke/IMG_1095.jpg

https://blogger.googleusercontent.com/img/b/R29vZ2xl/AVvXsEgjWrKFtRCs8hzF3jBA79ReejNPl0P09Bm3Dfgz6JG_XBbj7Eglb-i-vNI7ICf21ft312hJMYSp-Xe0vFd_ypWsZ22NqfWlq0QbzhtACTEAQeczF99XtlmhRmV6jWL0XFTQjB2rRQrUrUd5/s1600/Buwan+ng+Wikang+Pambansa.png



Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

total pageviews since july 2010