Halaw mula sa talumpati (salin mula sa Ingles) ni Jose Maria Sison na binigkas sa Kongreso ng Pagtatatag ng Kabataang Makabayan sa YMCA Youth Forum Hall noong Nobyembre 30, 1964, na may pamagat na "Makibaka para sa Pambansang Demokrasya"
I. TALUMPATI SA PAGTATATAG NG KABATAANG MAKABAYAN
x x x Itinuturo ng katwiran ang tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran ang tayo'y maglakas na maihapag ang naghaharing kasamaan sa ating bayan.
Panahon na ngayon x x x dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya at pagdadamayan. Ngayon ay panahong dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan; panahon na ngayong dapat makilala ng mga Pilipino ang pinagbuhatan ng kanilang mga kahirapan x x x
Kaya, mga kababayan, ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas sa tunay at lubos na pag-asa na magtagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan.
-- Andres Bonifacio
WALA nang maaaring piliing ibang araw na mas aangkop kaysa araw na ito para itatag ang Kabataang Makabayan. Ngayon ang ika-101 kaarawan ni Andres Bonifacio, isang dakilang bayani mula sa proletaryado, na noong kasagsagan ng kanyang kabataan ay namuno sa lihim na samahan ng Katipunan at nagmobilisa sa mga makabayang pwersa na nagbunsod ng rebolusyong Pilipino ng 1896 -- ang rebolusyong dumurog sa kolonyalismong Espanyol sa buong kapuluan.
Si Andres Bonifacio ang disiplinadong aktibistang rebolusyonaryo na naghanap at nakatuklas sa rebolusyon bilang tanging proseso na makakapagbigay ng ganap na ekspresyon sa mga adhikaing pambansa't panlipunan ng ating bayan na matagal nang sinupil ng isang dayuhang kapangyarihan na pinaganda ng malambot at paiwas na mga termino ng mga repormistang liberal.
Si Andres Bonifacio ang matatag na lider na hindi lamang nabigyang inspirasyon ng mga pag-iisip at pormulasyon ng Kilusang Propaganda kundi handa ring kumilos kasama ng sambayanan sa armadong pakikibaka laban sa tiranya sa sandaling bumangga sa puting pader ng kawalang pag-asa.
Sa gayon, si Andres Bonifacio sa ngayon ang modelo ng rebolusyonaryong militansya ng mga kabataang Pilipino at ng mga tagapagtaguyod ng pambansang demokrasya. Ang kanyang rebolusyonaryong katapangan ang ating sulo. Kung magtatagumpay ang Kabataang Makabayan sa makabayang misyon nito, ang isang importanteng rekisitong kailangang matutugunan nito ay ang pagtataglay ng rebolusyonaryong katapangan ni Andres Bonifacio, ang katapangang nagbibigay buhay at lakas sa mga prinsipyong atin ngayong itinataguyod sa kapanahunang ito.
Ginugunita natin si Andres Bonifacio hindi lamang dahil nagkataong nagkita tayo sa araw na ito, kundi higit pa dahil naiintindihan natin ang patuloy na makasaysayang kabuluhan niya sa ating kasalukuyang kalagayan. Nakikita natin ang namumunong papel ng kanyang uri sa panahong ito na ang ating pambansang pagsisikap sa saligang industriyalisasyon at pagbabagsak sa pyudalismo ay laging binibigo ng imperyalismong US at kasabwat nitong lokal na mga reaksyunaryo.
Kung matatandaan natin, matapos mamatay si Andres Bonifacio, ang rebolusyonaryong inisyatiba ng mga magsasaka at manggagawa sa Katipunan at ang pakikibakang anti-kolonyal sa pangkalahatan ay pinaghina at sinira ng mga pakikipagkasundong liberal ng lideratong ilustrado. Sunud-sunod ang mga pakikipagkasundo: ang Kasunduang Biak-na-Bato, ang pagtitiwala ni Aguinaldo sa mga kumpidanteng Amerikano sa Hongkong, ang burges-panginoong maylupang kumontrol sa Kongreso sa Malolos, at ang ultimong pagsuko ng mga ilustrado at pakikipagkolaboreyt sa imperyalistang rehimeng US.
x x x Ang obhetibong kalagayan sa bansa at daigdig ay pumapabor sa pambansa-demokratikong kilusan ng kabataang Pilipino. Napapanahon nang iwagaygay at itaguyod ng kabataang Pilipino ang pulang bandila ni Andres Bonifacio at ng Katipunan, na may bagong sagisag ng alyansa ng manggagawa-magsasaka.
_______
Jose Maria Sison (original photo of painting of him)
Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.
No comments:
Post a Comment