MATAPOS ideklara ni Hen. Emilio F. Aguinaldo ang burges-liberal na kasarinlan ng bansa noong Hunyo 12, 1898 sa balkonahe ng kanyang mansiyon sa Kawit, Kabite -- makaraang makalaya sa kolonyalismong Kastila -- at nang luminaw ang gahamang layunin ng Amerikang sakupin at pagsamantalahan ang Pilipinas, marami agad ang bumalimbing sa uring ilustrado't elitista, ipinagkanulo ang kapakanan ng masa, pinagtaksilan ang pambansang soberanya, at naging garapalang Amerikanista.
Pinangalagaan ang oportunistang mga interes, humimod agad sa tumbong ng Amerika ang mga ilustradong nakapaligid at nang-uto kay Aguinaldo sa Kongreso ng Malolos, gaya nina Pedro A. Paterno, Benito Legarda, Pardo de Tavera, Jose Luzurriaga, Cayetano Arellano, Felipe Buencamino, Florentino Torres, Victorino Mapa, at iba pang patuloy na itinuturing na mga "makabayan" at nakabalandra pa magpahanggang ngayon ang mga pangalan sa mga kalye, paaralan at pampublikong mga lugar.
Sa kanilang mga pahayag sa Schurman Commission sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, sinalaula nila't ipinampunas ng puwit at paa ang dignidad ng mga Pilipino at walanghiyang ipinoroklama ang labis na pamamanginoon agad sa dayuhang mananakop. Halimbawa, nang tanungin ng naturang komisyon si Arellano kung kaya na ng mga Pilipinong magsarili at pamahalaan ang bansa, tuwirang ipinahayag ng Kapampangang si Arellano: "May bahagyang kakayahan ang ilan. Sa ilang lalawigan, halimbawa, sa Pampanga... ang mga mamamayan ay may sapat na kaalamang magpalakad ng kanilang pamahalaan ngunit hanggang doon lamang; hindi sila maaaring magsarili."
Bilang pagsisipsip agad sa mga Amerikano, sinabi naman ni Tavera: "Pagkatatag ng Kapayapaan, lahat ng ating pagpupunyagi ay dapat iukol sa ating pagiging maka-Amerikano; kinakailangang palawakin at gawing panlahat ang kaalaman sa wikang Ingles upang maangkin natin ang kanilang ugali at kabihasnan, sapagkat ito lamang ang ating ganap na katubusan."
Higit na nakasusuka ang sinabi ni Buencamino: "Ako'y isang Amerikano at lahat ng salapi ng Pilipinas, sampu ng hangin, liwanag at araw ay aking ipinalalagay na Amerikano."
Hindi nasiyahan sa mga pahayag lamang, lubos silang nakipagsabuwatan sa Pamahalaang Amerikano, nagtatag ng mga partidong lubos na kikilala sa kapangvyarihan ng mga Amerikano at, kung maaari, gawin nang isa sa mga estado ng Estados Unidos ng Amerika ang Pilipinas. Ito ang mga Partido Federal, Partido Conservador at Asociacion de Paz na pinangunahan nina Pedro Paterno, Macario Adriatico, Gregorio Singian, Justo Lukban, Enrique Barredo, Leon Ma. Guerrero, Felipe Buencamino, Rafael Palma, Pascual Poblete, Nazario Constantino, Joaquin Lara, at iba pang mga ilustradong nagsipagtaksil sa masa ngunit dinakila pa rin ng mga hindi mulat sa tunay na kasaysayan ng bansa bunga ng mga aklat pangkasaysayang sinulat ng mga historyador na nakukubabawan ng utak-kolonyal.
Minana ng sumunod na pambansang liderato ang pagiging Amerikanista. Sa panahon lamang nina Quezon, Osmena at Roxas, nagkasunud-sunod ang mapaminsalang mga tratadong pabor lamang sa mga Amerikano, gaya ng Parity Rights, Bell Trade Act, Laurel-Langley Agreement, at iba pa. Maging sa sumunod na mga rehimen, mula kay Quirino hanggang kina Magsaysay, mula kay Garcia hanggang kina Macapagal, Marcos, Aquino at Ramos, hanggang kina Estrada at Macapagal-Arroyo, at maging kay Noynoy ngayon, hitik ang kasaysayan ng bansa ng pagtatraydor ng mga lider-pulitiko sa tunay na pambansang kapakanan. Sa rehimen na lamang ni Erap, isinalaksak sa lalamunan ng sambayanan ang kontrobersiyal na VFA (visiting forces agreement) na ginawang tuntungan ngayon ng nakabalatkayong pagsasanay-militar o Balikatan bunga ng walanghabas na pagsuporta ng pambansang liderato sa terorista't mapandambong na mga patakaran ni Uncle Sam.
Lubusan mang mapinsala ang kapakanan ng bayan at ibenta man ang kinabukasan ng susunod pang mga henerasyon, agad na ipinalulunok sa sambayanan ng pambansang lideratong nakaugaliang humimod sa kuyukot ni Uncle Sam ang mapaminsalang globalisasyon, liberalisasyon, kontraktuwalisasyon, pribatisasyon at iba pang maka-Amerikanong programang tuluyang lalamon sa pambansang ekonomiya at magbubulid sa bansa sa higit pang malaganap na karalitaan.
Hindi tuloy katakataka, at makatwirang isipin, na maaaring sa malapit na hinaharap, muling igigilgil na naman ng walang gulugod at Amerikanistang pambansang liderato ang pagbabago sa Konstitusyon upang iakma sa gahamang interes ng Amerika. Malamang kaysa hindi, kapag binago ang kasalukuyang Konstitusyon ng bansa, pahihintulutan nang makapagmay-ari dito ng mga lupain, makapagpatakbo ng mga serbisyo publiko gaya ng tubig at elektrisidad, transportasyon at telekomunikasyon, at maging mga ospital at paaralan at mass media na, kung tutuusin, ay dapat na kontrolado lamang ng mga Pilipino. Sa maikling salita, buung-buong ipalalamon nila ang bansa sa mapandambong at mapambusabos na dayuhang mga interes.
Pero, sa aba naming palagay, hindi natutulog ang kasaysayan at patuloy na isusumpa ng mulat, makabayan at progresibong mga mamamayan ang mga Amerikanistang taksil sa bayan!
(May pahintulot na pagsipi ni Rogelio L. Ordonez)
___________
*Si G. Rogelio L. Ordonez ay isang premyadong manunulat si – kuwentista’t nobelista, makata’t peryodista — Gantimpalang KADIPAN sa sanaysay at maikling kuwento, Gantimpalang Liwayway sa nobela, Gawad Balagtas sa pamamahayag, Pambansang Alagad ni Balagtas sa literatura, Jose Rizal National Centennial Commission sa sanaysay, atbp. Dati rin siyang kagawad ng patnugutan ng Pilipino Free Press, kapatid na magasin noon ng Philippines Free Press. Naging kagawad din siya ng patnugutan ng Asia-Philippines Leader sa ilalim ng pamamatnugot ni Nick Joaquin at naging kolumnista din ng Tempo at Diario Uno. Dati siyang Editor-in-Chief ng Pinoy Weekly at kasalukuyang Tagapangulo ng Lupong Patnugutan nito.Isa siya sa limang awtor ng Mga Agos sa Disyerto, kalipunan ng piling maiikling kuwento sa Filipino, gayundin ng mga nobelang Limang Suwail at Apoy sa Madaling Araw.
Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.
3 comments:
puna ko lamang dito ay yung tungkol sa vfa na forged under erap, wala tayong gaanong magagawa hanggang hindi naalis ang mother treaty. pinatalsik nga ng senado ni salonga ang military bases subali't hindi naman abrogated ang RP-US Mutual Defense Treaty, ang mother treaty ng unequal treaties between the philippines and the bald eagle......
dapag isa-alang alang na sa panahon ni erap ay INALIS niya ang SOVEREIGN GUARANTEES on contracts na isa sa mga dahilan sa sinasabing papel ng amerika sa pagpapatalsik kay pangulong estrada noong edsa 2001.
ayon sa ilang mamamahayag tulad ni form UP masscom dean luis teodoro (na medyo pro.dilaw) ay may papel na patago ang kalbong agila sa pagpapatalsik kay erap.
one proof is the u.s. "intelligence" firm strafor that very suspiciously predicted the fate of estrada:
"On Nov. 22, 1999, Stratfor predicted that Estrada would be unable to finish his term and that he could well be impeached for allowing corruption and the return of cronyism. Estrada accused Stratfor of having links with the opposition. On Dec. 7 Stratfor claimed that its original prediction had been “accurate — perhaps even more so than we thought.
"Over two years later, the Daily Tribune (April 7, 2002) would claim that, according to its sources, Fidel Ramos, Estrada’s predecessor as president, and his national security adviser Jose Almonte, “were in the thick of providing Stratfor with the information predicting the fall of then President Estrada…” But if this was true, they were informants, not clients.
"At the time, it struck one as strange that there should be talk of impeachment when there had not been the hint of a formal charge against Estrada; this was, after all, a full year before the impeachment trial. It was almost as if Stratfor were intent of making the news rather than analyzing or predicting it."
http://www.tribuneonline.org/commentary/20120306com5.html
dapag isa-alang alang na sa panahon ni erap ay INALIS niya ang SOVEREIGN GUARANTEES on contracts kung kaya't sinasabing ang amerika ay patagong may papel sa pagpapatalsik sa kanya..... )kung titingnan ang malaking larawan, si erap na pinakamasidhing lumaban sa u.s. bases bilang senador at biniktima ng kalbong agila at mga alipores nito noon 2001, ay huli sa titirahin ko dahil itong tulad ni ramos na maraming u.s. intelligence at military links, korean war vet pa at naglugmok sa bansa natin sa mga ipp at nag.deregulate ng oil industry, at binenta ang petron malilban pa sa centennial expo and other scams ang mas makikita ko. si erap din ang nag.reveal na nagtutulak ang kalbong agila ng moro substate at ihiwalay ang bahagi ng mindanao sa pilipinas.
Post a Comment