Pages

Wednesday, November 17, 2010

Ang Palatuntunan ng Katipunan

(halaw mula sa "Kartilyang Makabayan" ni Hermenegildo Cruz)




Dakila ang pakay ng "Katipunan"

"Sa pagkakailangan na ang lahat na nag-iibig pumasok sa katipunang itó, ay magkaroon ng lubós na pananalig at kaisipán sa mga layong tinutungo at mga kaaralang pinaiiral, ay minarapat na ipakilala sa kanilá ang mga bagay na itó, at ng bukas makalawa'y huwag silang magsisi at tuparing maluwag sa kalooban ang kanilang mga tutungkulin."

"Ang kabagayang pinaguusig ng Katipunang itó ay lubós na dakila at mahalagá; papag-isahín ang loob at kaisipán ng lahat ng tagalog. (Sa salitang "tagalog", katutura'y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang itó; sa makatwid, "bisaya" man, "iloko" man, "kapangpangan" man atb., ay "tagalog" din.")

"Alang-alang sa mga pagkukurong itó, kami'y payapang naghihintay nga pagwawagi ng damdaming makabayan ngayon at sa hinaharáp, sa pamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa pagkakaisáng ito'y magkalakás na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landás ng Katwiran at Kaliwanagan."


Una sa lahat ang pagibig sa bayan

"Dito'y isá sa mga kauna-unahang utos, ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubós na pagdadamayan ng isa't isá."


Pantaypantay ang lahat

"Maralita, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito'y magkakapantáy at tunay na magkakapatid."


Ang buhalhal na kaugalian

"Kapagkarakang mapasok dito ang sino man, tatalikdang pilit, ang buhalhál na kaugalian at paiilalim sa kapangyarihan ng mga banál na utos ng Katipunan."

"Ang gawang lahat na laban sa kamahalan at kalinisan, dito'y kinasusuklaman; kaya't sa bagay na ito'y ipinaiilalim sa masigasig na pakikibalita ang kabuhayan ng sino mang nag-iibig makianib sa Katipunang itó."


Hindi tinatanggap ang mga taksil

"Kung ang hangad ng papasok dito'y ang tumalastás lamang ng mga kalihiman nitó, o ang kilalanin ang mga naririto't ng maipagbili sa isang dakot na salapi, huwag magpatuloy, sapagka't dito'y bantaín lamang ay talastás na ng makapál na nakikiramdám sa kaniyá, at karakarakang nilalapatan ng mabisang gamot, na laán sa mga sukaban."


Ayaw sa mga mabunganga

"Dito'y gawa ang hinahanap at gawa ang tinitingnán; kaya't hindi dapat pumasok ang di makagagawa, kahi't magaling magsalita."


Hindi kaginhawahan kungdi kahirapan at mabibigat na tungkulin

"Ipinauunawa rin, na ang mga katungkulang ginaganap ng lahat ng napapasok sa Katipunang itó, ay lubhang mabibigát, lalong-lalo na kung gugunitaín na di mangyayaring maiwasan at walang kusang pagkukulang na di aabutin ng kakilakilabot na kaparusahán."

"Kung ang hangad ng papasok dito, ang siya'y abuluyan ng ginhawa't malayaw na katahimikan ng katawan, huwag magpatuloy, sapagka't mabigát na mga katungkulan ang matatagpuan, gaya ng pagtatangkilik sa mga naaapi at madaluhong ng paguusig sa lahat ng kasamaan; sa bagay na itó ay aabutin ang maligalig na pamumuhay."

"Di kaila sa kangino pa mán ang mga nagbalang kapahamakán sa mga tagalog na nakaiisip nitong mga banál na kabagayan (at hindi man), at mga pahirap na ibinibigay ng naghaharing kalupitán, kalikuan at kasamaán."


Ang halaga ng "kuota"

"Talastás din naman ng lahat ang pagkakailangan ng salapi, na sa ngayo'y isá sa mga unang lakás na maaasahan; magbibigáy buhay sa lahát; sa bagay na itó, kinakailangan ang lubos na pagtupád sa mga pagbabayaran; piso sa pagpasok at sa buwan-buwan ay sikapat. Ang salaping itó'y ipinagbibigay alam ng nag-iingat sa tuwing kapanahunan, bukód pa sa mapagsisiyasat ng sino man, kailan ma't ibigin. Di makikilos ang salaping ito, kung di pagkayarian ng karamihan."


Ipagtangkilik ang kagalingan

"Ang lahát ng pinagsaysay ay dapat gunitain at mahinahong pagbulaybulayin, sapagka't di magaganáp at di matitiis ng walang tunay na pag-ibig sa tinubuang lupa ang tunay na adhikaing ipagtangkilik ang Kagalingan."

"At ng lalong mapagtimbáng ng sariling isip at kabaitan."


*Kalatas:
Ang simbolong "~" ay inalis mula sa orihinal

 _________


Pinagkunan:

Cruz, Hermenegildo. Kartilyang Makabayan. Lupong Tagaganap" ng ARAW NI BONIFACIO, 1933. Project Gutenberg EBook #148822, January 28, 2005.
http://www.gutenberg.org/files/14822/14822-h/14822-h.htm


Larawan ay mula:

http://komiklopedia.wordpress.com/2008/03/20/philippine-literary-series/andresbonifacio1/


Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

Post a Comment