Pages

Saturday, September 25, 2010

Mensahe ng Pakikiisa sa Ikatatlong Pambansang Kongreso ng NNARA-Youth

ni Prop. Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
Setyembre 25, 2010


SA NGALAN ng International League of Peoples’ Struggle, malugod kong ipinapaabot ang pakikiisa sa pamuuan at kasapian ng National Network of Agrarian Reform Advocates-Youth Sector (NNARA-Youth) sa okasyon ng ika-15 anibersaryo at Ikatlong Pambansang Kongreso nito.

Wasto ang inyong tema at panawagan: Panghawakan ang 15 Taong Tagumpay, Kilusang Kabataan-Estudyante, Harapin ang Hamon ng Panahon; Isulong ang Antipyudal na Pakikibaka ng Uring Magsasaka!

Kapuri-puri na patuloy ang NNARA-Youth sa pagpapatupad sa kanyang mga tungkulin itaguyod ang pakikibaka ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa, mahigpit na pag-ugnay, pakikiisa, at pakikipamuhay sa masang magsasaka  at paglahok sa mga kampanya  para patampukin ang mga isyu ng mga magbubukid at maging ng sambayanan.


Mas malaki ngayon ang hamon sa kilusang magbubukid at mga tagatangkilik katulad ng NNARA-Youth.  Mas malawak at mas matindi ang pangangamkam ng lupa sa kanayunan, gayundin ang pagpapalit-gamit ng lupang sakahan. Mas mahirap ang kabuhayan ng masang magsasaka.  Napapaloob sila sa mas matinding pagsasamantala at pang-aapi.

Sa nakaraang tatlong dekada ng neoliberal na globalisasyon, tinanggihan ng papet na rehimen ang pagnanasa ng sambayanang Pilipino na magkaroon ng pambansang industrialisasyon at reporma sa lupa. Malalawak na lupa ang sinamsam ng mga korporasyon sa real estate, plantasyon at minahan.  Bunga ng  krisis at pagbagsak ang maraming negosyo ngayon, lalong ginagamit ng mga mapagsamantala ang kanilang pera para mangamkan ng lupa.

Batay sa inyong nakaraaang matatag at militanteng pagkilos, lubos ang tiwala naming matutugunan ninyo ang hamon na ipaglaban ang mga karapatan at interes ng mga magbubukid. Napanday kayo sa pakikitunggali sa mga lantarang kaaway ng uring magsasaka, sa pagwawasto ng mga kamalian at kahinaan at pangingibabaw sa mga pusakal na oportunista at taksil.

May matibay kayong pundasyon sa organisasyon sa ilang unibersidad at komuninad. Gamitin ninyo ito upang magparami ng mga balangay at kasapian sa pambansang saklaw. Mapapadali ang paglawak ng inyong organisasyon kung makuha ninyo ang kooperasyon ng mga organisasyon ng kabataan at estudyante na may pambansang saklaw.  Mauunawaan nila na kailangang magpalawak ang NNARA-Youth para abutin at tulungan ang kilusang magsasaka sa buong bansa.

Dapat iugnay agad ang tungkuling magrekluta ng mas marami pang kasapi at magbuo ng mas marami pang balangay sa pagpapalaganap ng pangkalahatang linya ng pambansang kalayaan at demokrasya  at sa pagtataguyod sa kilusang magsasaka at tunay na reporma sa lupa.  Lagi nating pinatataas ang antas ng kamalayan ng mga kasapi at inaakit na maging kasapi ang iba sa pamamagitan ng pagtalakay ng linya at anumang isyu at sa paggamit ng anumang anyo o pamamaraan ng impormasyon at edukasyon.

Dapat gamitin ang mga kampanyang masa hindi lamang para ipahayag ang mga hinahaing at kahilingan ng masa kundi para sanayin din,ang dating kasapian ng NNARA-Youth sa pagpapakilos ng masa at alamin din kung sinu-sino ang maaring irekluta bilang mga bagong kasapi.  Kapag malaki ang bilang ng kasapi at balangay, malaki rin ang magagawang panghihimok, pag-oorganisa at pagpapakilos sa masa.  Sa gayon, higit na lalaki rin ang magagawa ng NNARA-Youth para tulungan ang uring magsasaka sa pagkakamit ng tunay at puspusang reporma sa lupa bilang pangunahing laman ng demokratikong rebolusyon.

Kapuri-puri ang programa ninyong Basic Masses Integration. Sa pamamagitan ng pakikipamuhay sa kanayunan, malalaman ninyo ang kalagayan at pangangailangan ng mga magsasaka, mangingisda at katutubo.  Puedeng isagawa ang integrasyon kaugnay ng akademikong pagsiyasat at practicum o kaugnay ng pagtulong sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Pamalakaya at iba pang organisasyon o institusyon na may kinalaman sa anakpawis, karapatang tao, gawain komunidad, kalusugan o kapaligiran. Dapat magbuo kayo ng mga balangay ng NNARA-Youth sa lahat ng prubinsiya para malawakang maisagawa ang programa.

Tiyak na lalong lulubha  ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng lokal na malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema. Higit pang titindi ang pagsasamantala at pang-aapi sa sambayanang Pilipino ng mga imperyalista, mga malalaking komprador at asendero.  Lumilitaw na ang mga palatandaan na ang bagong rehimen ni Aquino ay magiging mas masahol pa kaysa sa rehimeng Arroyo, mas masunurin sa mga imperyalista, mas korap at mas mapagsamantala, mas malupit at mas sinungaling.

Patuloy ang  pagsunod ng rehimen sa patakarang neoliberal na globalisasyon na diktang Estados Unidos.  Tungkol sa usapin ng reporma sa lupa, pananatilihin ni Aquino ang CARPER at haharangin niya ang panukalang GARB ng kilusang magsasaka.  Hindi magtatagal makikita natin ang karumal-dumal na bunga ng kunwaring mediation na sabwatan ng Supreme Court at pamilyang Cojuangco-Aquino.  Pakana nilang manatili ang Hacienda Luisita sa kamay ng pamilyang asendero at ituloy ang panggagantsong SDO.


Maaga pa lamang ay ipinapamalas na ni Aquino na gagamit siya ng puspusang karahasan laban sa mga anakpawis at mga rebolusyonaryong pwersa.  Tulad ni Arroyo, susundin niya ang US Counterinsurgency Guide.  Mayroon siyang panibagong operational plan na mas masahol pa sa Oplan Bantay Laya.  Para  ipatupad ang kanyang layuning terorismo ng estado, pinalaki ni Aquino nang 81 porsyento ang badyet ng militar at ng DSWD nang 123 porsyento,  samantalang kanyang  binawasan  ang badyet para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyo sosyal.  Pinalaki ang badyet ng  DSWD para gamitin ito sa mga kampanya ng pagpapalikas sa mga magsasaka at katutubo mula sa kanilang tahanan at lupa.

Mahalaga ang tungkulin ng NNARA-Youth na magparami ng mga balangay at kasapian  sa pambansang saklaw at magpakahusay sa integrasyon sa uring magsasaka.  Namiminto ang malalaking aksyong pangmasa para salungatin at pigilin and mga makahayop na anti-nasyonal at anti-demokratikong patakaran ng rehimeng US-Aquino.

Kasabay ng mga mapanlansing salita, maliwanag na ipinapahiwatig na ng rehimen na  gagamit ito ng dahas para supilin ang mamamayan. Kung gayon, nararapat na maghanda ang  sambayanang Pilipino para sa mas maigting na pakikibaka laban sa pang-aapi at pagsasamantala.##


(Binigyang permiso sa muling paglathala ni G. Joma Sison)


_______


Pinagmulan:

Sison, Jose Maria. Mensahe Ng Pakikiisa Sa Ikatlong Pambansang Kongreso Ng NNARA-Youth. Setiembre 2010. http://www.josemariasison.org/?p=5031


Kredito sa mga larawan:

Daily Tribune. http://www.tribuneonline.org/

NNARA-Youth blog. http://www.blogger.com/profile/04404535515094184493




Licencia de Creative Commons Reposts are licensed to the respective authors. Otherwise, posts by Jesusa Bernardo are licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 3.0 Philippines.

No comments:

Post a Comment